BINIGYANG-diin ni dating Senate President Vicente Tito Sotto III sa panayam kasabay ng paghahain niya ng Certificate of Candidacy (COC) para sa pagbabalik sa Senado sa 2025 midterm election, na hindi nilalakad ang pagiging Senate President sa halip inaalok ito ng mas nakararaming kasamahang senador.
Ito ang naging tugon ni Sotto sa naging tanong sa kaniya na kung sakaling makabalik sa Senado, nais pa rin ba niyang maging pangulo ng Senado?
Naniniwala kasi si Sotto na mas magiging matagumpay ang isang pangulo ng Senado base sa kaniyang karanasan bilang mambabatas.
Aniya kapag nilakad ang pagiging isang Senate President, hindi ito magtatagal.
Lacson nais ituloy sa Senado ang pagbabantay sa taunang budget ng gobyerno
Samantala, sa parte naman ni dating Sen. Panfilo Lacson, nais niyang ituloy ang pagbabantay sa Senado partikular na ang pagtatalakay sa taunang national budget upang walang makalusot na anumang uri ng pork barrel.
Gusto rin niya maibalik ang dating pamumuno ni Tito Sen na tinatawag na honorary o kagalang-galang ang mga senador.
Nang tanungin naman si Lacson ukol sa naging bangayan ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Alan Peter Cayetano sa plenaryo sa Senado, wala aniya silang karapatan na humusga kung maayos o hindi ang kasalukuyang liderato ng Senado at ang kaniyang tanging masasabi, gusto niyang maibalik ang dating Senado sa ilalim ng pamamahala noon ni dating Senate President Sotto.
Sabay na naghain ng kanilang COCs ang tatlong miyembro ng Macho Bloc ng Senado na kinabibilangan nina Sotto, Lacson, at Sen. Lito Lapid.