Pagkahawa ng ina ng UK-variant patient zero, pinaiimbestigahan

KASALUKUYANG iniimbestigahan ng City Epidemioloy and Disease Surveillance Unit (CESU) sa Quezon City ang ina ng COVID-19 UK-variant patient na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng CESU, iniimbestigahan nila kung paano nahawaan ang ina ng UK-variant COVID-19 patient sa kabila na walang interaksyon sa dalawa matapos dumating sa Pilipinas galing Dubai ang pasyente noong Enero 7.

Ani Cruz, nakaraang linggo ay dinala ang swab sample ng ina sa Philippine Genome Center upang suriin kung ang kanyang sakit ay common COVID-19 lang o ang UK-variant.

Samantala, negatibo sa COVID-19 ang mga frontliners ng Barangay Kamuning, pero isang healthcare worker ng Hope Isolation Facility kung saan nakaisolate si patient zero ay positibo sa nasabing sakit.

Nagpositibo na rin ang girlfriend ng lalaki matapos itong maire-swabbed.

Bukod sa ina at nobya ng lalaki, positibo na rin ang dalawa pang pasahero na unang nagnegatibo sa inisyal na swab test at muling isinailalim sa test.

Nilinaw naman ni Dr. Cruz na sa 9 positive cases na lulan ng Emirates flight na inanunsyo ng DOH, tanging si patient zero lang ang residente ng Quezon City.

Ang ibang walo ay nanggaling raw sa ibang lugar.

Sa mga nagpositibo, hindi pa batid kung UK variant ng COVID-19 rin ang virus na taglay ng mga ito.

Dinala na sa Philippine Genome Center ang kanilang mga samples upang masuri.

Sa ngayon, ay stable naman umano ang “patient zero” at malapit na ring matapos ang kanyang isolation period.

Samantala pito sa walong pasahero na residente ng Quezon City ay naka-quarantine na habang hinihintay ang second test results.

Hanggang ngayon, tini-trace pa rin ang pangwalong pasahero sa tulong ng Philippine National Police at Bureau of Quarantine.

Muli naman pinapaalala ng LGU ng Quezon ang mga Pilipino galing abroad na sumunod sa quarantine and health protocols anuman ang lumabas na resulta.

SMNI NEWS