HAKA-HAKA o tsismis lang pala ang nakuhang impormasyon ni dating Communication, Electronics, and Information System Service – AFP Commander ngayo’y PAGCOR Executive Raul Villanueva na nagdadawit sa isang dating PNP chief sa kalakaran ng POGO at tumulong pa sa pagpapatakas kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ang ibinunyag ni Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director, PMGen. Leo Francisco matapos ang pag-uusap nila ni Villanueva sa telepono.
Sa katunayan, handa muling humarap sa Senado si Villanueva para amining haka-haka lamang ang nauna nitong pahayag sa nakaraang pagdinig na nagdadawit sa PNP.
Dahil dito, hindi na iimbestigahan ng CIDG ang usapin subalit hindi naman napag-usapan nila Francisco at Villanueva ang paghingi nito ng public apology.
Sa kabilang banda, una na ring iginiit ng Council of Chiefs o samahan ng mga dating PNP chief ang paghingi ni Villanueva ng public apology dahil sa kahihiyang idinulot ng mga pahayag nito sa kanilang organisasyon.
Hinggil naman sa pagsasampa ng kaso laban kay Villanueva, sinabi ni Francisco na hinihintay pa niya ang utos mula kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil para sa kanilang susunod na hakbang.