PANGUNAHING pakay ng South Korea ang maitaguyod ang pagkakaisa ng mga kabataan partikular na sa larangan ng sports, kultura, at edukasyon sa nalalapit na 2024 Winter Youth Olympic Games.
Si Ambassador of the Republic of Korea to the Philippines Lee Sang-Hwa ang nagpaabot ng mensaheng ito at sinabi pa nito na sanay maging daan ang naturang event para mas mapalakas pa ng mga bansang kalahok ang kanilang ugnayan sa isa’t isa.
Ang 2024 Winter Youth Olympic Games ay gaganapin sa Gangwon, South Korea ngayong Enero 19 hanggang Pebrero 1, 2024.
Pinangalanan na ni Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino ang tatlong Filipino athletes na sasabak dito.
Ang mga nasabing atleta ay sina Peter Groseclose na sasabak sa short track speed skating event; Avery Balbanida sa cross country; at Laetaz Rabe sa freestyle slopestyle at freestyle big air event.