HINIMOK ng Commission on Human Rights (CHR) ang nasyonal na pamahalaan na imbestigahan ang pagkakapatay sa 3 Lumad na kinabibilangan ng 12 taong gulang na bata sa isang operasyon ng militar sa Surigao del Sur.
Kinondena ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia ang pagkamatay ng mga Lumad at sinabing magpapadala ang opisina nito sa Caraga ng investigation team upang magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon sa insidente.
Ayon naman kay De Guia, habang hinihintay nito ang resulta ng kanilang imbestigasyon, hinihimok ng CHR ang pamahalaan na magsagawa rin ng sariling imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga Lumad.
Base sa mga ulat, hindi na makilala ng mga kaanak ng biktima ang katawan ng batang si Angel Rivas, kapatid nitong si Lenie at pinsan nitong si Willy.
Sinabi ng rights group Karapatan Caraga na pinagbabaril ng 3rd Special Forces Battalion ang mga biktima noong Hunyo 15 habang nagsasaka ang mga ito ng abaca.
Tugon naman ng militar, ang mga biktima ay komunista na parte ng sub-regional Sentro de Grabidad Southland, North Eastern Mindanao Regional Committee at sinabing namatay ang mga ito dahil sa nakipagpalitan ng putok sa militar.
(BASAHIN: Katutubong Lumad, magiging extinct kung patuloy na magpapaloko sa NPA)