INILAHAD ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Romando Artes na inaaral na ng DOTr ang pagkakaroon ng ferry service sa Laguna de Bay at Manila Bay na dudugtong sa Pasig River.
“Inaaral po ng DOTr iyan na lagyan din po ng ferry service sa Laguna de Bay at Manila de Bay para ‘yung Cavite madugtong po sa Manila. Sasambutin po iyan ng Pasig River Ferry tapos on the end naman po ng Laguna de Bay, magkakaroon din po,” wika ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Sabi ni Artes, target ng DOTr na matapos ang pag-aaral ngayong taon.
Tutulong din aniya ang MMDA sa pagpaplano.
Ridership sa Pasig River Ferry Service, tumataas—MMDA
Kaugnay rito, patuloy namang tumataas ang ridership sa Pasig River Ferry Service.
Nakapagtala ang MMDA ng 254,000 na pasahero nitong 2023 ng ferry service na mas mataas kumpara sa 170,000 noong 2022.
“By word of mouth napo-promote po itong ating Pasig Rive Ferry Service dahil wala pong traffic dito eh.”
“I think ‘yun pong convenience ng pagsakay sa Pasig Ferry na walang traffic, mabilis ang biyahe, at libre pa po ito. Wala pong babayaran ang ating mga kababayan sa pagsakay po nitong Pasig Ferry,” dagdag ni Artes.
Inaasahan na tataas pa ang ridership nito sa oras na matapos ang pagpapatayo at pagpapaayos ng mga istayon sa Intramuros, Bridgetown sa Libis, PUP sa Sta. Mesa, at Marikina ayon kay Artes.
Magdadagdag din ang MMDA ng apat pa na bangka.
Pag-ayos sa Pasig River, pinapaigiting ng Marcos admin
Samantala, nag-ikot naman si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Pasig River nitong Biyernes ng hapon.
Ito ay para paigtingin ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pagandahin at ayusin ang nasabing ilog.
“Talagang pinapaganda ang Pasig River sa ngayon. Iikutin natin ito. May developments na magagawa at makikita niyo sa mga susunod na araw,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Department of Interior and Local Government.
Matatandaan na inilunsad ang proyektong Pasig Bigyan Buhay Muli sa pamamagitan ng Executive Order No. 35 para sa rehabilitasyon at development ng nasabing ilog.