PABOR si Senator Ronald Dela Rosa na maibalik sa bansa ang mandatory military service para sa mga kabataan.
Aniya, kailangang madisiplina ang mga kabataan at magkaroon ng malakas na military reserve ang pamahalaan.
Kamakailan ng ihayag ni Vice Presidential aspirant Mayor Sara Duterte Carpio na kung sakaling manalo sa darating na halalan ay isusulong nito ang pagkakaroon ng mandatory military service sa mga kabataan na may edad 18 taong gulang.
Makikita aniya kasi na ginagawa ito ng ibang mga bansa tulad ng South Korea at Israel.
Ang pahayag na ito ni Inday Sara ay pinaboran naman ni Senator Dela Rosa na dating PNP chief.
Ayon sa senador, mahalagang maisulong ito sa mga kabataan para sila ay madisiplina at magamit ng pamahalaan sa hinaharap.
Kaya aniya hindi basta basta natatalo ang bansang Israel kahit maliit na bansa ito ay dahil sa may malakas itong military reserve na kinabibilangan ng mga kabataan.
“Pinupush natin yan, ang pagbabalik ng mandatory ROTC sa ating mga kabataan lalo na sa mga kabataan kolehiyo. Dapat madevelop diyan ay disipilina aside from strong military, we need strong reserve course,’’ayon kay Sen. Dela Rosa.
Dagdag pa ng senador na ibang-iba ang mga kabataan ngayon na hindi na halos dumaan kahit man lang sa pagbo-boy scout.
Malayong malayo aniya ito sa panahon nila noon na maliban sa pag-boy scout ay dadaan ng kung ano anong pagsasanay sa CAT at ROTC.
Ayon kay Bato, may inihain na itong panukala para sa pagbabalik ng mandatory ROTC noon pero nanatiling nasa komite ni Sen. Sherwin Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education.