Pagkalas ni Sen. Imee sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas, walang sama ng loob sa Nacionalista Party

Pagkalas ni Sen. Imee sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas, walang sama ng loob sa Nacionalista Party

DI pa panahon ng kampanya pero mala-piyesta at tila daan-daang katao ang bumuhos sa Quirino Grandstand para suportahan si Sen. Marcos na reelectionist para sa 2025 midterm elections.

Bukod sa supporters, si Imee ay sinamahan ng kaniyang nanay na si dating First Lady Imelda Marcos at ng kaniyang dalawang anak na si Borgy at Michael sa pag-file ng kaniyang Certificate of Candidacy sa COMELEC.

Kasunod ng kaniyang pagkalas sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas kamakailan, ay inamin ng senadora sa isang interview araw ng Martes na wala itong basbas mula sa kaniyang kinabibilangang Partido na Nacionalista Party.

“Walang basbas pero wala namang pagalit. Okay lang kasi independent ko na desisyun ‘yun at mananatili pa rin kaming tres marias sa Nacionalista; ako, si Camille at si Pia,” ayon kay Sen. Imee Marcos, Reelectionist, 2025 Senatorial Elections.

Nilinaw rin ng senadora na wala pa silang napag-uusapan sa kanilang partido para sa panahon ng kampanya na magsisimula sa buwan ng Pebrero ng susunod na taon.

Matatandaan na una nang sinabi ni Imee na tatakbo siyang independent mula sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas na senatorial slate ng administasyon.

Nanatili kasi sa political alliance ang kaniyang dalawang kapartido na sina Congresswoman Camille Villar at Sen. Pia Cayetano na parehong tatakbo rin sa halalan.

“Tatlo pa rin kaming babae sa Nacionalista pero hindi ko pa alam kung kelan ako sasama. Ako sa palagay ko iikot na lang ako. Kung kukumbidahin ako ng lokal sasama po ako. At sa lahat ng kaibigan sana ‘di po kayo magbago,” ani Sen. Imee.

Sa kabila ng kaniyang pag-aklas sa Alyansa ay hindi nababahala ang senadora na maapektuhan ang kaniyang rating sa senatorial elections survey na lagi namang pasok sa Top 12.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble