Pagkalat ng fake news, pangunahing dahilan ng vax hesitancy sa BARMM – Minister of Health

MARAMING factors kung bakit mataas ang vaccine hesitancy sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngunit ang pinakarason dito ay ang fake news.

Ayon kay Dr. Bashary Latiph, ang Health Minister ng BARMM, alam na ng mga Muslim na Halal ang mga COVID-19 vaccine na available sa bansa.

Matagal na aniyang naglabas ng guidelines ang Darul-Ifta, isang Islamic advisory council, na hindi labag sa batas ng Islam ang mga bakuna.

Ani Latiph hindi na bago sa BARMM ang pagbabakuna at minsan na rin itong nanguna sa pag-rollout ng polio vaccines pero ngayong panahon ng pandemya nangungulelat ang rehiyon.

Matatandaang nitong Lunes sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nababahala siya sa mataas na vaccine hesitancy sa lugar.

Base sa pinakahuling datos ng Pandemic Task Force, sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa, ang BARMM ang may pinakamababang bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19. 25.22% o mahigit 760,000 lang sa kanilang target population na lampas 3 million ang fully vaccinated laban sa virus, kakaunti pa lang din ang nakatanggap ng boosters.

Maliban dito ani Latiph, balakid din sa pag-usad ng kanilang vaccine roll-out ang “complacency”  o pagkakampante ng mga residente, Muslim o hindi, na  kakaunti lang ang COVID-19 cases sa kanilang lugar.

Sa kasalukuyan, 1,526 lang ang aktibong kaso sa BARMM karamihan pa dito ay asymptomatic at mild at hindi aabot ng sampu ang severe at critical.

Dagdag ng health minister sa BARMM, may mga incentives rin silang ibinibigay upang mahikayat ang nakararami tulad ng 10-20 kilos na bigas at hygiene kits na may kasamang gamot at malong pero marami pa rin sa kanilang mga senior citizen ang naniniwalang hindi na nila kailangan ng bakuna tutal matanda na sila at ipinapasa-Diyos na lang kung maimpeksyon man.

Bukod dito, isa pang hamon ani Latiph ang mga areas sa rehiyon na geographically isolated at disadvantaged.

Ang mga rural health unit at municipal hospital ang nagsisilbing vaccination centers sa BARMM ngunit  nagbabarangay-barangay din sila para maihatid ang mga bakuna.

Sa ngayon ani Latiph, mas palalakasin pa nila ang information dissemination ukol sa benepisyo ng COVID-19 vaccine sa tulong na rin ng mga local chief executive at iba’t-ibang religious leader sa rehiyon.

Una na ring sinabi ng Pandemic Task Force na lalaanan nila ng mas maraming single dose vaccine na Johnson & Johnson ang BARMM para hindi na nila kanilang magpabalik-balik sa vaccination sites.

Follow SMNI News on Twitter