Pagkalat ng mga sakit dahil sa mababang pondo para sa Hazardous Waste Management ng DENR, ikinabahala

Pagkalat ng mga sakit dahil sa mababang pondo para sa Hazardous Waste Management ng DENR, ikinabahala

NANGANGAMBA ngayon ang isang mambabatas sa posibilidad ng pagkalat ng mga sakit dahil sa maliit na pondo para sa Hazardous Waste Management Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Buhat nang tumama ang COVID-19 pandemic sa bansa hanggang ngayon, araw-araw na gumagamit ang mga Pinoy ng face mask.

Pati na ang arawang COVID-19 tests gamit ang antigen at RT-PCR kits at ang pagsusuot ng personal protective equipment (PPEs) ng mga health worker.

At para sa isang kongresista, mahalaga na magkaroon ng tamang pagtatapon sa mga medical waste na ito.

Ngunit ang problema, bumaba ang pondo ng DENR para sa kanilang Infectious Healthcare Waste Program sa 2023.

Para sa susunod na taon, nasa P1.22 Billion lamang ang pondo para dito o 55.7% na mas mababa kumpara sa P2.75 Billion budget nito ngayong taon ng ahensiya.

“These are all medical waste that should be disposed properly. Kasi considered ‘yun as contaminated. Ano po ba ang sitwasyon sa Pilipinas? Sa nakaraang magta-tatlong taon na ay pinapaipon lang ito sa ating mga LGUs at meron nga tayong facility para sa proper disposal of such. However, dahil pribado ito napakamahal niya. Hindi natin alam kung sino ang magbabayad kaya this is ending up in storage. Yung iba hindi naman ganoon ka-secure at dahil ulan nang ulan nababasa na rin siya at ang ibig sabihin niyan ay nagkakalat tayo ng hazardous waste,” pahayag ni Rep. Janette Garin, 1st District ng Iloilo.

Dahil sa tapyas na pondo, partikular na apektado ang mga programa ng DENR sa pagpapatupad ng Clean Air-Water Act, Solid Waste Management at hazardous waste regulations.

Noong nakaraang taon, giit ni Garin mahigit 600,000 metric tons na healthcare waste ang nakolekta o higit 52,000 metric tons na basura kada buwan.

Mas mataas ito ng halos 500% kumpara sa mga nakolektang medical waste bago ang pandemya.

“Pwede silang kainin ng mga hayop, may mga aso pusa, daga, lahat ng klase ng hayop exposed to the facilities at yung mga tanong andodoon. We can never predict the behavior of virus. Baka mas lalo itong lumala. The problem on medical hazardous waste is something that should be addressed urgently both by the DENR and the Department of Health,” ayon kay Garin.

Pinakikilos din ni Garin ang DENR na tugunan ang nagiging problema ng ilang local government unit (LGU) sa hindi nakokolektang healthcare waste mula sa kanilang mga preliminary treatment at storage facility.

Aniya, ang COVID-19 Healthcare Waste Program para sa LGUs ay para lamang sa medical waste na nakokolekta sa mga kabahayan, vaccination sites at quarantine facilities at hindi kasama rito ang medical wastes na nanggagaling sa mga ospital.

Follow SMNI NEWS in Twitter