UMAPELA muli si Sen. Robin Padilla nitong Martes sa mga ahensiya ng pamahalaan na gawin ang lahat para magbigay ng pansamantalang kalinga para sa refugees at stateless persons.
Ginawa ni Sen Robin Padilla ang apela matapos ang kaniyang panukalang batas ay makakuha ng suporta mula sa Department of Justice (DOJ) at Commission on Human Rights (CHR).
Ani Padilla, na naghain ng Senate Bill 2548 noong Pebrero na may layuning palakasin ang proteksiyon para sa mga refugee, mismong Saligang Batas ang basehan ng pagbigay ng tulong sa mga refugee.
“Sana po pakiusap ko po sa atin pong mga bisita ngayon, kayo po ang mas nakakaalam kung anong pwede natin gawin. Sana huwag natin kalimutan na ang ating Constitution ang unang-una ang preamble niyan ay pananampalataya natin sa Diyos. ‘Pag sinabi natin tayo naniniwala sa Diyos, kasunod niyan ang pagmamahal natin sa kapwa, maging Pilipino man o hindi,” pahayag ni Sen. Robin Padilla.
Buwan ng Pebrero nang inihain ni Padilla ang Senate Bill 2548 na sumasang-ayon sa Sec. 11, Art. II ng 1987 Constitution.
Nakasaad rito na pinapahalagahan ng estado ang dignidad ng bawa’t tao at tinitiyak ang paggalang sa kanilang mga karapatan.
Ayon kay Padilla, simula 1980’s ay tahanan na ang Pilipinas ng mga migrant at refugees, kabilang dito ang mga Hudyo noong administrasyon ni Pangulong Manuel Quezon at mga Vietnamese noong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Ngayon medyo kumplikado ang sitwasyon dahil sa mga usapin po at kinatatakutan ng tao na sinasabi na baka mapasukan tayo ng terorista, mapasukan tayo ng masasamang loob. ‘Yan naman po ay nakasalalay sa enforcement. Huwag naman po natin sana isisi sa taong nangangailangan ng kalinga,” dagdag ni Padilla.
Nagpahayag naman ng suporta ang Department of Justice at Commission on Human Rights sa panukalang batas ni Padilla.
Muling iginiit ni Padilla na kailangang matulungan ang mga refugees at stateless, tulad ng mga Tausug sa Sabah; at ang mga Afghans at Palestinians na asawa ng Pilipino.