Pagkamatay ng high profile inmates sa Bilibid, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pagkamatay ng high profile inmates sa Bilibid, pinaiimbestigahan sa Kamara

BONUS OFFER

DUDA si ACT- CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga high-profile inmates sa New Bilibid Prison o NBP dahil sa COVID-19.

 

Sa kaniyang statement, giit ni Taduran na mistulang may sariling galaw ang virus at ang high-profile inmate pa na si Jaybee Sebastian pa ang tinamaan nito.

 

“Nakakapagduda naman ang pangyayari. Bakit napakagaling naman yatang mamili ang virus?” tanong ni Taduran.

 

Tanong ni Taduran sa NBP, bakit hindi naabisuhan ang Department of Health sa pagkamatay ni Sebastian dahil sa laki ng mga kasong kinasangkutan nito.

 

“Did the NBP notify the DOH of Sebastian’s condition prior to his demise? Dapat imbestigahan ito at ipaalam sa publiko ang katotohanan,” ayon pa kay Taduran.

 

Dapat rin aniya na mailabas ang buong medical report sa pagkamatay ni Sebastian pati na rin ang kalagayan din lahat ng high profile inmates.

 

“Hindi naman maaaring pina-cremate agad at wala nang detalye na ibibigay sa atin. Dapat ma-account din lahat ng high profile criminals. At kung sakaling may anomalya, dapat ay may managot dito,” aniya pa.

 

Hinihingi rin ng mambabatas sa Department of Health o DOH na magpalabas ng panuntunan kaugnay ng pag-ootopsiya sa mga namatay na may kinalaman sa COVID-19.

 

 

Nais din nito na isailalim sa otopsiya ang mga namatay na bilanggo, kasama na ang mga sinasabing namatay sa COVID-19.

 

“We need to do autopsies especially in cases wherein we need to confirm the death of a person, in this case, an inmate who was a vital witness to the alleged illegal drug trade inside the NBP,” ani Taduran.

 

Samantala, iginiit ni Committee on National Defense and Security Vice Chairperson Ruffy Biazon na hindi dapat itago sa Data Privacy Act ang pagkasawi ng mga high-profile inmates sa COVID-19.

 

Paliwanag ni Biazon, kung mayroon mang mag-i-invoke ng data privacy ay dapat na manggaling ito sa mismong subject o taong sangkot o kaya naman ay sa pamilya.

 

Aniya, ang kaso ng mga namatay na mga drug-lord habang nasa kulungan ay hindi dapat tinatago ang impormasyon sa publiko.

 

Karapatan aniya ng pamilya ng nasawi at mga mamamayan na malaman ang nangyari sa pagkamatay ng mga ito sa loob pa mismo ng government facility.

 

Malinaw din sa RA 10173 na hindi kasama sa data privacy ang mga mahahalagang impormasyon tulad ng pagpoproseso ng personal data para sa pagtupad ng kanilang mandato.

 

“There is no hindrance for the bureau to withhold information about the deaths of inmates in their custody,” ayon kay Ruffy Biazon.

 

Dahil diyan, mungkahi ni Taduran na magpatawag ng congressional inquiry sa isyu ng pagkamatay ng mga inmate sa Bilibid.

 

“House resolution kasi nga para mismo na ang Kongreso yung magpatawag ng congressional inquiry in-aid of legislation kasi siyempre nakakabahala talaga ito and considering that this is of  national interest dahil kailangan talaga ng full disclosure considering na mga high profile cases ito,” pahayag ni Taduran.

 

SMNI NEWS

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.