Pagkasawi ng healthcare worker, hindi bakuna ang dahilan kundi COVID-19

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang pagkasawi ng isang healthcare worker na nabakunahan kontra COVID-19 at kalaunan ay nagpositibo sa sakit noong Marso 15.

Gayunman, nilinaw ng DOH at FDA na wala itong kinalaman sa bakuna matapos ang isinagawang imbestigasyon ng regional at national AEFI Committees sa kaso.

Sa pahayag ng dalawang ahensiya, sinabi nito na COVID-19 mismo ang naging sanhi ng pagpanaw ng health worker at hindi COVID-19 vaccine.

Iginiit ng mga ito na hindi maaaring maging sanhi ng COVID-19 ang COVID-19 vaccine.

Binigyan-diin din ng dalawang ahensiya na bahagi lang ng solusyon ang bakuna para matapos na ang COVID-19 pandemic.

Bagama’t may bakuna, dapat pa rin anilang ipagpatuloy ng publiko ang mga preventive measure laban sa sakit.

Muli namang hinikayat ng DOH at FDA ang lahat ng healthcare workers na magpabakuna na, lalo’t tumataas ang kaso ng nakakamatay na sakit.

(BASAHIN: NITAG, nirerekomenda ang Sinovac vaccine sa mga health worker —DOH)

SMNI NEWS