INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Hong Kong police authorities upang alamin ang sanhi ng pagkamatay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nakitang palutang-lutang sa Hong Kong Tsing Yi Pier noong Hulyo 13.
Wala pang katiyakan kung kailan maiuuwi ang labi ng OFW.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Assistant Secretary Paul Raymund Cortes ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kung mailabas na ng Hong Kong authorities ang report na sanhi ng pagkasawi ay agad-agad din maiuuwi ang labi.
Tiniyak din ni Asec. Cortes na walang foul play at wala ring person of interest sa nangyaring insidente, sa katunayan alam na rin ng kaniyang mga kamag-anak at employer ang sirkumstansiya sa pagkamatay ng naturang OFW, ang kailangan na lamang anila ang kumpirmasyon ng report mula sa Hong Kong police authorities.
Matatandaan, una nang naiulat na 6:00 ng umaga ng Hulyo 13, 2023 nang makita ang isang bangkay na palutang-lutang sa may Tsing Yi Pier sa Hong Kong.
Unang nagbigay pansin sa naturang bangkay ay ang mga dumadaan at mga nagdya-jogging, at agad silang tumawag ng pulis.
Ayon pa sa DFA, agad na inanunsiyong patay na ang katawan na natagpuan sa pier, medyo nagdi-decompose, kaya pinost mortem na rin ang bangkay.
Sa ngayon pinag-uusapan na rin sa pagitan ng Department of Migrant Worker (DMW), employer, at maging ng foreign at local recruitment agency ng Pinay worker ang mga tulong na matatanggap ng pamilya ng OFW at ang mga hindi pa nababayarang suweldo nito.
Maging ang gamit ng OFW ay iuuwi na rin sa Pilipinas ng kaniyang employer.
Bukod sa employer at recruitment agency tiniyak ng DFA na makakatanggap din ng tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas gaya ng repatriation sa labi ng Pinay at end of service benefits para sa naiwang pamilya.