Pagkawala ng laman ng bagahe ng isang pasahero hindi sa NAIA nangyari – MIAA

Pagkawala ng laman ng bagahe ng isang pasahero hindi sa NAIA nangyari – MIAA

NANINDIGAN ang Manila International Airport Authority (MIAA) na hindi sa NAIA nangyari ang pagkakawala ng mahahalagang gamit ng isang pasahero ng Etihad Airways.

Ipinag-utos ng Manila International Airport Authority ang masusing imbestigasyon sa diumano’y pagkawala ng mamahaling  items ng pasahero na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang nagreklamong pasahero na si Adrian Villalon Cotoco, 23 taong gulang ay dumating noong Setyembre 8, 2022 ng 6:00 pm, sa NAIA Terminal 3, sakay ng Etihad Airways Flight EY424.

Ikinuwento ni Cotoco na mga 9:00 am ng Setyembre 7, 2022, umalis siya mula sa Madrid, Spain sakay ng Etihad Airways Flight EY46 at huminto sa Malaga Spain bandang 10:30 am at naghintay ng isang oras bago lumipad patungong Abu Dhabi.

Pagkatapos ay dumating siya ng bandang 9:00 pm ng parehong petsa.  Siya ay umalis mula sa Abu Dhabi sakay ng Etihad Airways Flight EY424 bandang 3:00 am noong Setyembre 8, 2022 at dumating sa NAIA Terminal 3 bandang 4:00 pm ng parehong petsa.

Sinabi ni Cotoco na nang makuha niya ang kanyang bagahe sa carousel, napansin niyang mas magaan ito kumpara sa orihinal na timbang at pati na rin ang mga kandado ay nasira.

Agad niyang ininspeksyon ang kanyang bagahe at nalaman na may nawawalang mamahaling kagamitan gaya na lamang ng isang mamahaling sapatos at tsinelas, at apat na mamahaling pabango.

Ang bagahe niya na mula 13.5 kg ay naging 8 kg na lamang

Sa post sa isang social media ni Cotoco nag trending ang kanyang video.

Sa inilabas na pahayag ng Media Affairs Division Office sinabi ni Connie Bungag ang tagapagsalita ng MIAA na humihingi ito ng paumanhin sa hindi naging magandang karanasan ng naturang pasahero pagdating sa paliparan.

Ayon sa MIAA ang nasabing pagnanakaw sa gamit ng pasahero ay hindi nangyari sa NAIA.

Ito’y napatunayan kasunod sa isinagawang imbestigasyon  sa CCTV footage ng MIAA at Etihad na ang insidente ay nangyari sa isang foreign airport kung saan nagstop-over ang mga pasahero habang papunta sa Maynila.

Inaasahan ng MIAA na ang Etihad Airways ay magbibigay ng agarang tulong sa pasahero habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter