NAGKITA noong nakaraang linggo si Vice President Sara Duterte at dating VP Leni Robredo sa balwarte nito sa Naga City, Bicol.
Ang pagkikita ng dalawa ay umani ng iba’t ibang reaksiyon lalo na sa mga kritiko ng mga Duterte.
Paglilinaw ng kampo ni Robredo dito, walang pag-uusap patungkol sa politika at isang simpleng kuwentuhan lang ang nangyari.
Naganap ang pagkikita ng kasalukuyan at dating pangalawang pangulo sa selebrasyon ng Peñafrancia Festival.
Para naman sa political analyst na si Prof. Froilan Calilung, pagpapakita ng pagpapakumbaba ang ginawa ni VP Inday lalo’t alam ng lahat na kritiko ng kaniyang ama si Robredo.
“Maaari kasi nating tignan naman din ito as an ‘act of goodwill’ in the part of VP Duterte, na isang pagpapakita ng humility din at pagbibigay ng tinatawag na pag-aabot-kamay, na magsisilbi na rin naman na paraan para mahilom o magkaroon ng reconciliation even ‘yung mga action na traditionally hindi nagkakasundo,” ayon kay Prof. Froilan Calilung, Political Analyst.
Pagpapakita rin aniya ito ng ibang side ni VP Sara na kilalang matapang.
Sang-ayon naman si Calilung sa anggulo na posibleng pinalaki lamang ang pagkikita ng dalawa dahil mayroon namang ibang opisyal ng pamahalaan na bumisita sa kaparehong araw na nagkita si VP Inday at Leni.
“Siguro nga dahil sa magnitude ng kanilang mga position and then the fact na anak si VP Sara Duterte ng nakaraang pangulo natin na siya namang naging pangulo noong panahon na kung saan si Leni Robredo ay nagsilbi bilang Vice President. I think this is really the meat of the story,” dagdag ni Prof. Calilung.
Naniniwala rin ang political analyst na naging pabor kay VP Sara ang pagkikita ng dating pangalawang pangulo.
Paalala ni Calilung sa publiko na huwag masyadong bigyan ng hindi magandang kulay ang mga simpleng bagay gaya ng naging pagkikita ni VP Sara at Leni.