IKINATUWA ni Senator Cynthia Villar ang pagkilala na ibinigay ng World Bank sa Rice Tariffication Law (RTL) ng Pilipinas bilang isang “strategic policy reform”.
Reaksiyon ito ng senadora bilang chairperson ng Senate Agriculture and Food Committee.
Kinilala ng World Bank ang RTL sa launching ng Agriculture Public Expenditures Review na nakatutok sa implikasyon ng Mandanas Ruling para sa agri-food system.
Sa ibinahagi ng Philippine Institute for Development Studies at Bangko Sentral ng Pilipinas, nagkakaroon ng hanggang P10-B na yearly Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang bansa mula sa mga taripa na ipinapatupad at nakokolekta mula sa mga imported na bigas.
Ang RCEF naman ay ibinibigay bilang ayuda sa mga magsasaka na nakalista sa registry system of basic sectors sa pamamagitan ng pamamahagi ng makina, high quality inbred rice seeds maging ang pagsasagawa ng training at pagpapautang.