Pagkilala sa Davao bilang chocolate, cacao capital, sinuportahan ng mambabatas

NAGPAHAYAG ng kanyang pagsuporta si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa hakbang na kilalanin ang Davao City bilang chocolate capital at ang Davao Region bilang cacao capital ng bansa.

“Mindanao, especially Davao, is known to be the fruit basket of the Philippines. Whenever you think of Davao, you might picture durian, pomelo, mangosteen, tuna, President Duterte, or the Kadayawan festival. As a native of the Davao Region, I can proudly say that we are more than that,” pahayag ni Dela Rosa.

Co-sponsor ang Dabawenyo senator ng Senate Bill No. 1741 o ang “An Act Declaring the City of Davao as the Chocolate Capital of the Philippines and the Entire Region XI (Davao Region) As the Cacao Capital of the Philippines.”

Ayon pa ni Dela Rosa, karapat-dapat ang nasabing titulo para sa Davao City dahil tahanan ito ng Malagos Chocolate na humakot ng pitong international award noong 2019.

“Hindi na po Swiss o Belgian chocolate ang hahanapin ng mga chocolate lovers all over the world – Philippine or Davao chocolate na po, “ dagdag ng senador.

Aniya, nagmula sa Davao Region ang 80% na cacao produce ng bansa habang 10% naman dito ay mula sa ibang lugar sa Mindanao at ang natitirang 10% ay mula sa Luzon at Visayas Region.

Maliban dito, kabilang din ang cacao bean ng Malagos Chocolate sa listahan ng “Best 50 Beans in the World” sa ilalim ng Cocoa Excellence Programme noong 2017.

Nakilala rin ang Auro Chocolates bilang multi-awarded brand kung saan kinukuha ang fine cacao at chocolate nito mula sa Davao.

SMNI NEWS