INIHAIN ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Resolution No. 695 upang kilalanin at bigyan-pugay ang makasaysayang ika-apat na World Cup of Pool title ng bansa, ang pinakamaraming bilang ng pagkapanalo para sa alinmang bansa, sa Lugo, Spain sa unang bahagi ng buwang ito.
“Mula sa pagiging underdogs, nilampaso ng mga hindi inaasahang mga kampeon ang mga high-ranking players at defending titleholders. Ang kanilang pagkapanalo na muling nagpaangat sa atin sa larangan ng palakasan ay nagbibigay inspirasyon sa ating mga Pilipino upang malampasan ang mga kasalukuyang pagsubok at hamon sa buhay,” sabi ni Estrada.
Tinapos nila Aranas at Chua ang isang dekadang tagtuyot sa nasabing titulo sa taunang international single-elimination tournament para sa koponang doubles sa nine-ball competition. Ang kanilang record-breaking na tagumpay ay muling nagpatibay sa pagiging pinakamahusay ng bansa sa larong ito.
Ang Pilipinas na ngayon ang may pinakamaraming titulo sa World Cup of Pool at naungusan na nito ang bansang China sa pagkakatabla sa pagiging kampeon ng tatlong beses.
Sila Aranas at Chua ang ikatlong pares na Pinoy na naghari sa World Cup of Pool at kabilang na sa hanay ng legendary duo na sina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante na nagwagi sa paligsahan noong 2006 at naulit noong 2009, at maging ang tambalan nina Dennis Orcollo at Lee Vann Cortez na pinakahuling naging kampeon noong 2013.
Sa pagsisimula ng paligsahan, tinalo ng dalawang atletang Pinoy sina Francisco Sanchez Ruiz at David Alcaide ng Spain, na siyang nagwagi ng titulo noong 2022, sa isang labanang 7-5 noong Hunyo 27.
Ang koponang Pilipino ay muling nagtagumpay kontra sa pares na kumakatawan sa host country na sina Jose Alberto Delgado at Jonas Souto Comino, noong Hunyo 30. Nagpatuloy ang kanilang panalo sa quarterfinals, kung saan nilampasan nila ang koponan ng Chinese Taipei na binubuo nina Ko Pin Yi at Ko Ping Chung sa isang kapana-panabik na laban na may score na 9-8.
Sa semifinals faceoff, pinahanga nila ang mga manonood nang madaig nila si Albin Ouschan at Mario He ng Austria na dalawang beses nang naging kampeon sa nasabing paligsahan.
Hindi napigilan ang tambalang Aranas-Chua sa finals nang talunin nila sina Joshua Filler at Moritz Neuhausen ng Germany sa score na 11-7.
“Ang impresibong tagumpay nina Aranas at Chua sa pandaigdigang entablado ng palakasan, na nagdulot ng malaking karangalan at pagmamalaki sa bansa, pati na rin ang kanilang kahusayang ipinamalas sa teknikal na kakayahan, di-mabilang na pagtutulungan, at tapang laban sa matitinding kalaban, ay mga gawang karapat-dapat kilalanin ng Senado,” pahayag ng beteranong mambabatas.