INANUNSIYO ng pamahalaan na mas madali na ang aplikasyon ngayon ng business permit para sa mga dayuhang gustong mag-invest sa bansa.
Para kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, mahalaga na maresolba muna ang panloob na mga problema sa bansa bago amyendahan ang Economic Restrictions ng 1987 Constitution.
Sa hinaba-haba ng paninilbihan niya sa pamahalaan, ang mga problema sa kuryente at government process ang ‘top concerns’ na dapat unahin at atupagin ng gobyerno bago magpapasok ng dayuhang mamumuhunan.
“Dahil basic ‘yun. Kung hindi bababa ang presyo ng kuryente, walang ease of doing business, walang negosyo pa ring papasok. Amiyendahan man natin ang Konstitusyon, kung wala ‘yung mga basic na condition para ma-establish ‘yung mga negosyo ay hindi rin papasok,” ayon kay Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro.
Sa Marikina, ang mabilis na government process ang kanilang tinututukan lalo na ang pagkuha ng business permit at iba pang lisensiya para sa mga gustong mag-negosyo sa siyudad.
“For simple transaction mga 3-4 days tapos na tayo. Mga complex or the transaction 7-days, 5-7 days tapos na tayo. Pwede ka electronically mag-apply or mag-renew ng business permits,” ani Teodoro.
Kung ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) naman ang tatanungin, handang-handa ang bansa na tumanggap ng mga dayuhang investor.
Sa katunayan, isang oras na lamang aniya ang itinatagal ng pagkuha ng business permit ng mga ito.
“At ‘pag sila po ay nag-apply ng business permit doon sa mga LGUs na already operationalized ‘yung kanilang electronic business one-stop-shop, in 1-hour target nga natin 10 minutes they can get their business permit,” ayon kay Sec. Ernesto Perez, ARTA.
Dagdag pa ni Sec. Perez maximum of 3-working days naman ang kailangan para makakuha ng permit mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Target naman nila itong gawin ng isang araw.
Ngayong 2024, nasa operational mode na ang ARTA.
Nasa 120 local government units (LGUs) sa buong bansa ang target nilang maging compliant sa Electronic Business One-Stop Shop.
Layon nito na i-streamline at i-automate ang mga proseso sa gobyerno.
Kasama rito ang pagkakaroon ng Unified Application Form sa lahat ng LGUs at digital na ang processing nito.
“Kapag big ticket investment, BOI po ‘yan. Department of Trade and Industry (DTI), Board of Investments as the lead agency. Pero dahil merong other agencies involved, there will only be one lead agency and the rest will collaborate, cooperate under a one-stop-shop process,” ani Perez.
Para sa mga investor na mahihirapan, tumawag lamang sa hotline 1-2-7-8-2 ng ARTA o sa government complaint number 8888.
Tiniyak ng ARTA ang tulong sa investors na interesadong maglagak ng puhunan sa bansa.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang bangayan ng Senado at Kamara kung panahon na ba para luwagan ang Economic Restrictions ng Konstitusyon.