PINABULAANAN ng Department of Health (DOH) ang paghahambing sa COVID-19 response ng Pilipinas sa iba pang bansa na may mas mahusay na healthcare system.
Base sa research ng isang Australian think tank na Lowy Institute, ika-79 sa 98 na bansa ang Pilipinas pagdating sa pagtugon sa COVID-19.
May iskor na 30.6 ang Pilipinas at pumangalawa ito sa Southeast Asian countries na may pinakamalalang COVID-19 response kasunod ng Indonesia.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire bukas ang Pilipinas sa ganitong uri ng academic exercises at datos dahil makakatulong ito para ma-assess ang mga hakbangin ng pamahalaan sa pandemya.
Ngunit giit ni Vergeire dapat kasama sa naturang assessment ang lahat ng responses na isinagawa ng bawat bansa sa pandemya dahil magkakaiba ang pag-contextualize ng bawat bansa hinggil dito.
Saad ng DOH Undersecretary sa paraang multi-dimensional sinusukat ng Pilipinas ang tugon nito sa pandemya.
Sinukat ng naturang Sydney-based think tank ang performance ng bawat bansa sa pamamagitan ng pagsubaybay sa anim na mga indicator kabilang ang cases, deaths, at test sa bawat libong katao, kung saan nakabase ang score ng best performing mula 0 hanggang 100.
Sinubaybayan din nito ang confirmed infections at deaths per million people at mga kaso bilang proporsyon sa mga pagsusuri sa loob ng 36 linggo na sumunod sa bawat pang-isang daang kaso ng COVID-19 ng bawat bansa.
Paliwanag ni Vergeire hindi lamang sinasama sa parameters ng bansa ang bilang ng mga kaso at fatalities kundi kasama na rin ang kapasidad ng ating healthcare system upang maging kumpleto ang pagsusukat sa ating tugon sa COVID-19.
Nabigo ring makuha ng Lowy Institute ang iba pang pandemic responses ng bawat bansa tulad ng contract tracing.
Binigyang diin ng DOH undersecretary na hindi patas kung ikukumpara ang Pilipinas sa ibang bansa.
Ang death rate ng bansa ay 2.03% habang ang recovery rate naman ay 91.5%