Paglabag sa batas, pang-aabuso sa mga basurero ng isang garbage hauler, iimbestigahan ni Sen. Jinggoy

Paglabag sa batas, pang-aabuso sa mga basurero ng isang garbage hauler, iimbestigahan ni Sen. Jinggoy

NAIS imbestigahan ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, chairperson ng Committee on Labor ang umano’y paglabag sa batas ng isang kompanyang naghahakot ng basura na nagseserbisyo sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.

Inihain ni Estrada ang Senate Resolution No. 914 na naglalayong magsagawa ng isang pagsisiyasat, in aid of legislation, sa iniulat na hindi makataong gawain ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (I-SWIMS).

Hindi umano nabibigyan ng proteksiyon at nararapat na benepisyo sa mga basurero ng nasabing kompanya, na malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas sa paggawa sa bansa.

“Nakababahala ang sitwasyon ng mga basurero ng I-SWIMS at kung may mga katulad na kompanya, dapat maimbestigahan ang kanilang umano’y paglabag sa batas paggawa para matiyak na hindi napapagsamantalahan ang mga manggagawa. Karapatan ng mga manggagawa na mabigyan ng patas na pagtrato at mabigyan ng proteksyon at benepisyo na ipinag-uutos ng batas,” ayon kay Sen. Jinggoy Ejercito Estrada.

Batay sa mga reklamong inihain ng mahigit 70 basurero sa tanggapan ni Estrada, sa loob ng halos apat na taon nilang paninilbihan sa kompanya, sila ay itinuturing lamang na “volunteers” ngunit pinagpagtrabaho nang hindi bababa sa 18 oras araw-araw, mula alas-5 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi.

Ayon pa sa mga basurero, sila ay tumatanggap lamang ng P250 hanggang P300 kada araw, o mas mababa sa itinakdang rate na P573 hanggang P610 para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Sa kabila ng mahabang oras ng trabaho, hindi rin sila binabayaran ng overtime pay at night shift differential, hindi binibigyan ng day off at kailangan pa ring magtrabaho tuwing Holidays nang walang Holiday pay.

Napag-alaman din ni Estrada na hindi sila binibigyan ng mga benepisyo sa social protection, tulad ng Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund).

Bukod pa rito, hindi rin umano nagbibigay sa kanila ang I-SWIMS ng anumang protective gear tulad ng guwantes, sumbrero, boots, o raincoats upang protektahan sila mula sa mga panganib ng paghawak ng mga basurang materyales.

“Ayon sa kanila, may ilang tagakolekta ng basura ang namatay na dahil sa mga sakit tulad ng leptospirosis, at hindi nagbibigay ang kompanya ng anumang tulong para sa pinsala, sakit, o kamatayan,” ani Estrada.

“Ang kanilang mga karapatan at kapakanan bilang mga manggagawa ay hindi pinoprotektahan dahil sila ay itinuring lamang na mga boluntaryo,” saad nito.

“Ang mga ito ay pag-iwas sa pagtalima sa mga batas, partikular na ang Labor Code, para sa mga basurero na mahalaga ang serbisyo at operasyon ng kompanya,” dagdag pa ni Estrada.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble