Paglaban sa fake news at pagpapakalat ng dev’t agenda ni PBBM, prayoridad sa 2024 proposed budget ng PCO

Paglaban sa fake news at pagpapakalat ng dev’t agenda ni PBBM, prayoridad sa 2024 proposed budget ng PCO

KABILANG sa mga prayoridad ng Presidential Communications Office (PCO) para sa 2024 proposed budget nito ang mga aktibidad na patuloy na maghahatid sa mga tao ng development agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Binanggit ito ni Communications Secretary Cheloy Velicaria-Garafil sa ginanap na Senate hearing patungkol sa PCO budget.

Bukod dito, sinabi pa ni Garafil na kasama rin sa prayoridad ang paglaban sa maling impormasyon at disinformation.

Kaya ayon sa kalihim, naglunsad ang PCO ngayong taon ng Media and Information Literacy Campaign para matugunan ang problema sa fake news.

Ihaharap ang panukalang budget ng PCO sa Senate plenary matapos ipasa ang deliberasyon ng Senate Committee on Finance’s Subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Joseph Victor Gomez “JV” Ejercito.

Ang PCO, kasama ang mga attached agencies nito ay humihiling ng P1.921-B para sa iba’t ibang programa nito at patuloy na modernisasyon ng ahensiya.

Ibinahagi naman ni Garafil na kabilang sa mga hamon na kinakaharap ng PCO ang pangangasiwa sa isang organisasyon na lumawak ang laki at saklaw bunga ng pagpapalabas ng Executive Order (EO) No. 16.

Ang naturang EO, na inilabas ni Pangulong Marcos noong Pebrero 2023, ay muling inayos ang PCO sa limang functional areas, bawat isa ay pinamumunuan ng isang undersecretary.

Ang functional areas na ito ay Traditional Media at External Affairs, Content Production, Broadcast Production, Digital Media Services, at Operations, Administration at Finance.

Gayunpaman, ang bagong setup ay may katuturan dahil ginagawang mas madali ang trabaho ng PCO sa pagsuporta sa Pangulo sa kaniyang information and communication demands o requirements.

Sa ilalim ng proposed budget sa ilalim ng National Expenditure Program, ang PCO proper ay may rekwes na P495.768-M (28%); P179.485-M (10%) para sa Radio Television Malacañang; P378.914-M (21%) para sa Philippine Information Agency; P147.036-M (8%) sa News and Information Bureau; P13-M (1%) sa National Printing Office; P95.638-M (5%) para sa Bureau of Communications Services; P482.011-M (27%) sa Philippine Broadcasting Service; at, isang government subsidy sa People’s Television Network na nagkakahalaga ng P128.914-M para sa modernisasyon nito.

Follow SMNI NEWS on Twitter