KASABAY ng signing ceremony ng Maharlika Investment Fund (MIF) Act ay inilatag ng pamahalaan ang mga banepisyong dulot nito sa bansa at sa mamamayang Pilipino.
Ganap nang batas ang MIF Act.
Ito’y matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang MIF sa isang seremonya sa Kalayaan Hall sa Palasyo ng Malacañang nitong Martes, Hulyo 18, 2023.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na kauna-unahang sovereign wealth fund ng Pilipinas ang MIF na susuporta sa economic goals ng administrasyon.
“The MIF is a bold step towards our country’s meaningful economic transformation. Just as we are recovering from the adverse effects of the pandemic, we are now ready to enter a new age of sustainable progress, robust stability, and broad-based empowerment,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa paglagda ng Republic Act No. 11954 bilang batas, ani Pangulong Marcos, ang bansa ay magkakaroon ng kapasidad at kakayahan na mamuhunan sa lahat ng napakahalagang proyekto tulad ng agrikultura, imprastruktura, digitalization, at ang pagpapalakas ng value chain.
Nilalayon din ng MIF na palaguin ang pondo ng bayan; Patatagin ang ekonomiya ng bansa; at Tustusan at ipatupad ang high-impact infrastructure at development projects.
Kabilang naman sa mga benepisyong makukuha mula sa MIF ay ang karagdagang kita para sa bansa; Paglikha ng karagdagang trabaho; Karagdagang pondo para sa mga proyekto ng pamahalaan at iba pa.
Transparency at accountability sa pagpapatupad ng MIF, tiniyak
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa publiko na ang pondo ay pangasiwaan ng mga highly competent personnel na may mahusay na track-record at outstanding integrity.
Nanindigan ang Punong Ehekutibo na paiiralin ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng MIF.
“We remain steadfast in our commitment to transparency, accountability, and good governance in this massive and purposeful undertaking. I assure you that the resources entrusted to the fund are taken care of with utmost prudence and integrity,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Inilahad din ni Finance Secretary Benjamin Diokno na maraming nakapaloob na safeguards sa MIF.
“Napakaraming safeguards ano? In fact, pag binasa mo ‘yung law, several pages ‘yun. Unang-una, nakalagay doon, hindi mo talaga puwedeng magamit ‘yung funds na para sa social security, naka-enumerate ‘yun, I think in three places, Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), ganun, number one, and mayroon talagang layers of audit,” ayon kay Sec. Benjamin Diokno, DOF.
Kasama naman sa mga hakbang para masiguro na hindi mababahiran ng korapsiyon ang MIF ay ang pagbuo ng Joint Congressional Oversight Committee na inatasan na mangasiwa, mag-monitor, at suriin ang implementasyon ng MIF.
Kabilang din ang pagtalaga ng external at internal auditors na regular na magsusuri ng records ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
“Mayroon na tinatawag na internal audit, may external auditor, kasama pa ‘yung Commission on Audit (COA), tapos mayroon pang oversight committee na both Houses of Congress ay represented. Talagang napaka-tight ng accountability,” dagdag ni Sec. Diokno.
Ang MIC ay inaasahang magkakaroon ng hindi bababa sa P75-B na paid-up capital ngayong taon, na may P50-B na mula sa Land Bank of the Philippines at P25-B mula sa Development Bank of the Philippines.
IRR ng MIF, posibleng sa katapusan ng taon matatapos—Sen. Villar
Samantala, inihahanda na ng administrasyon ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa paglikha ng MIC.
Ang MIC ay magsisilbing sole vehicle para sa layunin ng pagpapakilos at paggamit ng MIF para sa mga pamumuhunan sa mga transaksiyon upang makabuo ng pinakamainam na Returns on Investments (ROIs).
Inihayag naman ni Senator Mark Villar na posibleng sa katapusan ng taon ay matatapos na ang IRR ng Maharlika Fund.
“Right now, I think ongoing ‘yung IRR. So by the end of the year siguro matatapos na ‘yung IRR ng Maharlika and we can expect that it will be operational. As soon as sisimula ‘yung investment ng Maharlika, mararamdaman na natin. So as early as, maybe early next year siguro mararamdaman na natin ‘yung effect ng Maharlika,” ayon kay Sen. Mark Villar.
Sa kabilang banda, inaasahan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na babanggitin ng Pangulo sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang patungkol sa MIF.
“Sabi ko Mr. President maganda sigurong banggitin mo sa SONA ‘yung mga priority programs na ilalagay ‘yung pondo ng MIF. Priority projects, for example, kung may magagandang flagship projects, puwede na niyang banggitin para makita ng tao na maganda pala itong bill na ito, maganda pa itong fund na ito, makakatulong talaga sa pag-unlad ng ating bansa,” ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri, Senate President.
Kasama sa signing ceremony ng MIF ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Executive Secretary Lucas Bersamin, Finance Secretary Benjamin Diokno, former President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang opisyal ng pamahalaan.