Paglaho ng mga katutubong wika, ikinababahala –KWF

Paglaho ng mga katutubong wika, ikinababahala –KWF

INIHAYAG ni  Arthur Cassanova ang  tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na may 130 kabuuang bilang na wika ang Pilipinas kung saan 44 dito ay katutubong wika.

Pero paglilinaw ni Cassanova, maaring mababawasan ang bilang ng wikang Pilipino kung hahayaan na ito ay maglaho.

Dahil dito pinangunahan noong Lunes ng Komisyon ng Wikang Filipino ang pagbubukas ng Pambansang Kongreso sa Nanganganib na Wika na ginanap sa National Museum of Fine Arts.

Layunin ng Kongreso na mailahad at matalakay ang mga pinakamahusay na paraan sa pananaliksik, pagbuo ng programa para sa pagpapasigla ng wika at iba pang isyu na nakaaapekto sa wika, at mahikayat ang mga katutubo at komunidad na idokumento ang kanilang wika at lumikha ng mga saliksik.

“Kung kaya’t ang pagpupulong pong ito, ang pagtitipong ito sa loob ng tatlong araw ay naglalayon po na makita po natin ang kalagayan ng mga katutubong wika partikular na po sa mga tinatawag nating mga panganib na wika nang sa ganoon po ay makaroon tayo ng mga hakbang upang maiwasan po ang tuluyang paglaho ng ilang katutubong wika sa ating bansa,” pahayag ni Cassanova.

Ipipresenta rin dito ang mga programa ng KWF katulad ng planong pagtatag ng Bahay-Wika sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa Bahay-Wika, ituturo sa mga katutubong kabataan ang kanilang  mahahalagang wika at kultura.

Sa ngayon may iisa pa lamang na Bahay-Wika ang KWF na matatagpuan sa Bataan.

“Sa 2023 sisimulan po namin ang Bahay-Wika sa Aurora, Quezon, halos kasabay po nito ay isa pang Bahay-Wika sa Kabisayaan naman. Tayo po ay magtatayo ng Bahay-Wika sa Negros at sinimulan na po ang mga pag-aaral kung paano po isasakatuparan ang pagtatatag ng Bahay-Wika sa Negros,” ayon kay Cassanova.

“Ang amin pong mga kabataan sa aming komunidad ay natuturo po namin nang maayos ang aming wika at kultura,” pahayag naman ni Melody Parrera, isang guro ng Magbukun Tribe.

Ayon kay Cassanova, kakailanganin pa ng malaking budget para mangyari ang mga Bahay-Wika.

MGA KAUGNAY NA BALITA:

Mga umano’y subersibong aklat na nilimbag at ipinakalat ng Komisyon ng Wikang Filipino, ipinarerebyu ni Chairman Arthur Casanova

Pitong guro pinarangalan ng KWF bilang Ulirang Guro sa Filipino 2022

Mga libro at module na ginagamit ng mga mag-aaral na may salitang Filipinas, hindi aalisin – KWF

Follow SMNI NEWS in Twitter