Paglahok ng mga tauhan ng barangay sa People’s Initiative, hindi bawal—DILG

Paglahok ng mga tauhan ng barangay sa People’s Initiative, hindi bawal—DILG

HINDI bawal lumahok ang mga tauhan ng barangay sa mga aktibidad patungkol sa People’s Initiative (PI) na nagsusulong ng Charter change (Cha-Cha).

Ito ang paglilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr. matapos binalaan ng isa sa mga opisyal ng DILG na si Usec. Felicito Valmocina ang mga barangay official na nangunguna sa pagpapipirma sa mga botante para suportahan ang PI.

“Yung sinasabi niya tungkol dito na statements ay kaniyang opinyon lamang iyon. Hindi po ito ang official na stand o position ng DILG. Napakasensitibo pong isyung ito. Kaya kailangan ikaklaro po namin,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr., DILG.

Nakasaad ani Abalos sa en banc resolution ng Commission on Elections (COMELEC) na ang mga tauhan ng barangay ay exempted sa mga ipinagbabawal sa Section 261 ng Omnibus Election Code.

Ibig-sabihin aniya, puwedeng lumahok ang mga barangay official sa anumang aktibidad patungkol sa PI.

Pero sumulat na ang DILG sa COMELEC para linawin kung hanggang saan ba ang magiging partisipasyon ng mga barangay official patungkol sa mga partisan political activity.

“That’s why we are asking clarificatory questions from the COMELEC up to what level po ito,” dagdag ni Abalos.

Sa ngayon, pinapagpaliwanag na ng DILG si Valmocina kung bakit niya nasabi ang mga ganitong pahayag.

Sabi ni Abalos na magsilbi sanang aral para sa mga opisyal ng DILG ang nangyari upang hindi magkaroon ng kalituhan.

“Please be prudent enough that before you speak make sure you have checked your datas with the legal department. Kasi mahirap. Kawawa rito ang tao. Magkakalituhan on the ground. Kamukha ng nangyayari ngayon, nagkakalituhan. Nagkakagulo sila,” ani Abalos.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble