Paglahok ni PBBM sa 43rd ASEAN Summit and Related Summit sa Indonesia, naging produktibo at matagumpay

Paglahok ni PBBM sa 43rd ASEAN Summit and Related Summit sa Indonesia, naging produktibo at matagumpay

INIULAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mabungang resulta ng kaniyang pakikilahok sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at Related Summits sa Indonesia.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na isinulong niya ang interes ng bansa sa 43rd ASEAN Summit and Related Summits sa Jakarta, Indonesia.

Binanggit ni Pangulong Marcos na lumahok siya sa 12 leaders’-level meetings, kasama ang Australia, Canada, China, India, Japan, Republic of Korea, United States, at United Nations.

“In these meetings, I promoted and highlighted key interests in ASEAN, such as food and energy security, migrant workers protection, climate change, and digital transformation, issues that are of strategic importance to the Philippines,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Nakiisa rin ang Pangulo sa ASEAN Plus Three Summit kasama ang mga ASEAN Member States, China, Japan, at Republic of Korea kung saan tinatalakay ang areas of cooperation tulad ng food security, climate change, at digital economy, bukod sa iba pa.

Sa East Asia Summit naman na dinaluhan ni Pangulong Marcos, tinalakay ang malawak na isyung estratehiko, pampulitika, at pang-ekonomiya.

“We discussed regional and international issues, during which I emphasized the importance of a rules-based international order, especially in the disputes in the South China Sea, in as much as they affect not only our nation but also the entire region,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Hinimok ng Pangulo ang lahat ng partido sa pulong na magpigil sa sarili at umiwas sa unilateral at assertive activities na maaaring magpapataas ng tensiyon at mauwi sa hindi pagkakaunawaan at maling kalkulasyon sa South China Sea.

 “I reaffirmed that the Philippines is committed to the peaceful resolution of disputes and called on all countries to continue upholding freedom of navigation and over flight in the South China Sea in accordance with international law, including the 1982 UNCLOS,” ani Pangulong Marcos.

Samantala, napag-usapan ang iba pang makabuluhang panrehiyon at pandaigdigang isyu kabilang ang sitwasyon sa Myanmar, ang denuclearization ng Korean Peninsula, at ang gulo sa Ukraine.

Sa sideline ng summit, ang Pangulo ay nagsagawa ng impormal na pakikipag-usap kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida at US Vice President Kamala Harris sa pagpapalakas ng kooperasyon sa mga pangunahing larangan ng mutual interest.

Nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa mga pinuno ng Cambodia, Canada, Cook Islands, India, Republika ng Korea, at Vietnam, gayundin sa pangulo ng World Bank (WB) Group kung saan nagkaroon sila ng matatag at candid productive discussions.

Sa usapin ng ekonomiya, iniulat ng Pangulo ang pagsaksi sa paglagda ng Philippines-Republic of Korea Free Trade Agreement (FTA) na nagpapakita ng iisang pangako ng dalawang bansa sa kanilang mutual economic growth at development.

 “The FTA will strengthen our bilateral trade and investment relations with the Republic of Korea, especially as it generates jobs and contributes to the Philippines’ value proposition as an ideal regional hub for smart and sustainable investments,” ayon sa Pangulo.

Sa sideline din ng naturang regional gathering, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga nangungunang executive ng mga piling kompanya ng Indonesia na gustong palawakin ang kanilang presensiya sa Pilipinas.

Binanggit ni Pangulong Marcos na uuwi siya na may dalang US $22-M na investment commitments sa mga lugar na mahalaga para sa economic recovery efforts tulad ng agriculture and digital economy.

Inilahad din ng Pangulo na ikinalulugod niyang ipahayag ang nakatakdang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN sa 2026, sa halip na 2027.

Pinasalamatan naman ng Pangulo ang Indonesia sa magiliw na pag-host sa naturang summit at mainit na pagtanggap sa delegasyon ng Pilipinas.

Follow SMNI NEWS on Twitter