TINIYAK ng Department of Trade and Industry (DTI) na protektado ang sektor ng agrikultura sa oras maratipikahan na ng Senado ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement.
Sa isang pahayag, sinabi ni DTI Asec. Allan Gepty ang RCEP ay isang kasunduan sa pagitan ng mga bansa na binubuo ng 10 ASEAN countries at 5 non-ASEAN countries.
Magkakaroon ng isang malayang kalakalan na mayroong mababa o walang binabayarang taripa para sa pag-export ng mga produkto.
Mababatid aniya na hindi nakapagbigay ng malaking improvement ang gobyerno sa pagbababa ng taripang babayaran ng produktong pang-agrikultura na papasok sa Pilipinas.
Nasa 33 agriculture tariff lines lamang ang binuksan o binabaan ng bansa pagdating sa taripa.
Ito ay katumbas ng 1.9% na agriculture tariff line, at pagdating sa mismong pagpapalitan ng produkto, halos .8% lamang ito ng trade ng Pilipinas, sa RCEP parties.