Paglalagay ng mga CCTV sa pampublikong daan, iminungkahi

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas ang paglalagay ng mga closed circuit television cameras (CCTV) sa lahat ng pampublikong daan upang maiwasan ang mga krimen at makatutulong sa imbestigasyon ng mga kriminal na gawain at iba pang mga pangyayari.

Ayon kay ACT-CIS Rep. Rowena Niña Taduran, kailangan na ilagay sa lahat ng mga poste ng kuryente ang mga CCTV partikular na sa mga national road para sa mas epektibong pagmonitor ng krimen.

Maaaring ang mga lokal na pamahalaan ang maglalagay ng CCTV sa mga pampublikong daan na nasa kanilang hurisdiksyon.

Iminungkahi ito ni Taduran matapos ang umano’y “misencounter” sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) malapit sa isang mall sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

“Kung mayroong CCTV sa public roads, madali nang maisasagawa ang imbestigasyon sa mga pangyayari, tulad ng sinasabing misencounter sa pagitan ng QCPD at PDEA,” ayon kay Taduran.

Sinuhestyon din ni Taduran na tanggalin na ang kinakailangang court order para ma-access ang CCTV footage lalo na sa mga pribadong mga establisimyento, dahil maaaring malaking tulong ito sa imbestigasyon ng krimen.

“Kung mayroon tayong mga CCTVs sa public roads, hindi na kailangang manawagan ni PDEA Director Wilkins Villanueva sa publiko na ipadala sa kanyang Facebook page ang mga cellphone videos ng insidente para makatulong sa imbestigasyon,” aniya pa.

Nanawagan din si Taduran ng mas malalim na imbestigasyon sa ‘misencounter’ sa pagitan ng pulis at drug enforcement unit.

“I am calling the attention of law enforcement agencies to ensure proper coordination to avoid these unfortunate incidents and to prevent unnecessary injuries and loss of lives,”dagdag ni Taduran.

SMNI NEWS