Paglalagay ng tax sa ilang luxury items, pinag-aaralan ng Kamara

Paglalagay ng tax sa ilang luxury items, pinag-aaralan ng Kamara

PINAG-aaralan ng House Ways and Means Committee ang pagpapataw ng non-essential goods taxes sa iilang luxury items ayon kay Albay Rep. Joey Salceda.

Bilang tugon na aniya ito sa panawagan ng international organizations gaya ng Oxfam International na patawan ng tax ang mga mayayaman sa Pilipinas.

Ang kinokonsiderang luxury items ani Salceda ay ang mga bagay na hindi nabibili o naabot ang presyo ng karamihan.

Partikular na tinitingnan ng komite na patawan ang mga wristwatch, bag, at iba pang leather items na nagkakahalaga ng mahigit P50-K.

Kasama na ang mga sasakyan na nagkakahalaga ng mahigit P5-M; residential properties na mahigit P100-M; inumin na mahigit P20-K ang bawat bote; at traded paintings na mahigit P100-K at iba pa.

Ayon kay Salceda, plano nilang amyendahan ang section 150 ng kasalukuyang tax code ng Pilipinas kung saan nagpapatupad ito ng 20% tax sa alahas, perfumes at mga yate.

Magugunitang sinabi ng Oxfam na ang 9 na tinaguriang pinakamayamang Pilipino sa bansa ay mas may marami pang kayamanan kung ikukumpara sa 55-M na ibang Pilipino.

Sa kabila nito, sinabi ni Salceda na hindi rin sila magpapataw ng lubos-lubos na tax sa mga mayayaman upang hindi rin ito aalis sa Pilipinas dahil nakakatulong din naman ang kanilang pera sa ekonomiya.

 

Follow SMNI News on Twitter