Paglantad ng katotohanan sa mga kaibigan ni Christine hiniling ng kampo ni Dacera

HINIHIKAYAT ng kampo ng Pamilyang Dacera na isiwalat ng mga itinuturing na kaibigan ng yumaong flight attendant na si Christine Dacera ang tunay na katotohanan ng mga pangyayari sa isang hotel sa Makati City bago natagpuang patay ang dalaga.

Ayon sa tagapagsalita ng Pamilyang Dacera na si Atty. Brick Reyes siguradong may alam ang tatlong  mga kasama ni Christine sa City Garden Grand Hotel kung saan dito ginanap ang New Year party.

Naniniwala din si Reyes na may pananagutan ang tatlong mga kasama ni Christine kahit  itinuring na kaibigan ng dalaga ang mga ito.

“Ang gusto ko mangyari magkuwento sila ng totoo kasi sigurado ko may alam ‘yung tatlo. Number 1 sino ba ang nagdala ng drugs? Number 2 sino ba ang may close physical contact kay Christine? What time did christine collapsed?” ang nais na malaman ni Reyes.

Kinuwestyon din ni atty. Reyes ang ginawang pagpapalaya ng Makati Police kay Rommel Galido, John Pascual dela Serna at John Paul Halili.

Giit ni atty. Reyes hanggang ngayon kinukwestyon pa rin ng kampo ni Dacera kung bakit hindi kinuhaan ng statement ng pulis si De Guzman na sanay makatutulong sa imbestigasyon o sa kaso ng pagkamatay ni Christine.

“I think if they will cooperate to the investigation and help us to recover evidence which will lead to the identification of the perpetrators  …Siyempre kasi crime ito rape homicide wala pa kaming na file na drugs use,” ayon sa abogado.

Sa kabila nito dagdag ni Atty. Reyes, umaasa ang Pamilya Dacera sa ikalawang autopsy kay Christine ay makikitang may ipinainom ito sa dalaga kaya ito ay tila lango sa ipinagbabawal na droga bago nasawi ang biktima.

Una nang kinumpirma ng National Bureau of Investigation o NBI na malaki ang maitutulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon  sa nakuhang 100 milimeters ng bodily fluids sa katawan ng yumaong flight attendant kahit dalawang beses nang isinailalim sa otopsiya ang bangkay ni Christine.

Magugunita na lumalabas sa ulat na isa sa mga kaibigan ni Christine ang nagsabi na tila may pinainom sa dalaga kaya agad nakakaranas ito ng pagsusuka at hilo.

Samantala, para naman sa preliminary investigation ngayong araw ay nagsumite ang Philippine National Police ng supplemental complaint ng investigating police officer kung saan naghihintay pa ng resulta bilang bahagi ng ebidensya kabilang na dito ang DNA analysis, toxicology/chemical analysis, histopath examination at laboratory result mula sa Makati Medical Center.

Samantala, mahigit sa 16 na persons of interest sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera  ang lumutang ngayong hapon sa NBI headquarters.

Sila ay pawang mga hotel guest mula sa Room 2207 ng City Garden Hotel sa Makati kung saan namatay si Dacera.

Kasama ng mga ito na nagtungo sa NBI ang tatlong abogado at isang basketball player.

Ayon kay NBI deputy Director Ferdinand Lavin humarap sa NBI ang naturang persons of interest para magbigay ng kanilang nalalaman sa naganap na New Year’s party.

Ito’y kasunod na rin sa ipinadala nilang subpoena sa mga respondent.

Pinag-uusapan na ngayon sa NBI ang hinggil sa pagsusumite ng counter-affidavit ng mga lumutang na suspek.

SMNI NEWS