HINILING ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso na magpasa ng batas na lilikha ng Centers for Disease Control (CDC) at Vaccine Institute.
Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos, inilatag nito ang mga nais isulong na panukalang batas o legislative agenda para sa pangkalusugan na higit na makatutulong lalo na ngayong pandemya.
Binigyang diin nito ang kahalagahan na maipasa ang panukalang batas na lilikha ng CDC sa Pilipinas katulad ng mga nakalatag na health systems sa iba’t ibang mga bansa.
Kaugnay nito, ikinatuwa naman ni Department of Health (DOH) Officer in Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang inihayag na suporta ni Pangulong Marcos sa sektor ng kalusugan.
Partikular dito ang nirekwes na mga prayoridad na programa ng ahensiya gaya ng Centers for Disease Control Bill at iba pang may kaugnayan sa pagtugon sa pandemya.
Nauna nang sinabi ni Vergeire na sa harap ng nararanasang COVID-19 pandemic, importante para sa bansa na magkaroon ng isang vaccine institute na magsusulong ng proteksyon laban sa mga nakahahawang sakit at pandemya.
Matatandaang ang panukala na may layong magtayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines ay isa sa mga hiling noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Kongreso sa pinakahuli nitong SONA noong Hulyo 26, 2021.
Layon ng panukala na mas maging maagap ang Pilipinas sa pagtugon sakaling muling magkaroon ng pandemya at nang maiwasang maulit ang sitwasyon na nahirapan noong una dahil sa salat sa medical resources tulad ng bakuna at iba pang esensiyal na gamot.
At upang maibsan ang financial burden ng mga Pilipino sa pagbili ng mga medisina, ay nakipagdiyalogo si Pangulong Marcos sa local and foreign pharmaceutical companies para maisakatuparan ang pagbibigay ng murang gamot.
Sinabi ni Pangulong Marcos na hinikayat nito ang pharmaceutical companies na maglabas ng mga suplay sa mga merkado para maging abot-kaya ng ordinaryong mamamayan ang presyo ng mga medisina.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) aniya ang makikipag-usap sa mga interesadong manufacturer ng generic drugs na papasok sa bansa.
Ipinag-utos din ng Punong Ehekutibo sa Philippine Competition Commission na magkaroon ng ‘equality’ at alisin ang kartel na umiiral sa ilang pharmaceutical companies.
Samantala, bukod sa murang gamot, prayoridad din ni Pangulong Marcos ang pagtatayo ng mga ospital sa iba’t ibang parte ng bansa at health centers sa mga malalayong rural areas.
Nais mailapit ng Chief Executive ang healthcare system sa taumbayan nang hindi na kailangang pumunta ang mga ito sa sentro ng kanilang bayan, lalawigan at rehiyon.
Kaya sabi ni PBBM, maglalagay ang pamahalaan ng mga clinic at rural health unit na pupuntahan ng mga doktor, nurse, midwife, at med tech isang beses sa isang linggo.
Sa pamamagitan nito, magiging mas madali sa may karamdaman na magpagamot nang hindi na magbyahe ang mga ito nang napakalayo.
Bukod sa mga nabanggit, kabilang din sa mga direktiba ng Pangulong Marcos hinggil sa pagtugon sa COVID-19 ang hindi na pagpatutupad ng lockdowns.