PINASALAMATAN ni National Security Adviser at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Vice-Chairperson Eduardo Año si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa paglikha ng Project Management Office (PMO) o Peace and Development Office sa lahat ng departamento, bureau, tanggapan, ahensiya, o instrumentality ng gobyerno.
Ito ay para matiyak ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng NTF-ELCAC kontra insurhensiya.
Sinabi ni Año na sa pamamagitan ng Peace and Development Office ay matitiyak na maipatutupad ang mga proyekto sa mga barangay na nalinis na sa impluwensiya ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Año, isang magandang hakbang ang kautusan ng Pangulo lalo’t nakamit ng task force ang “strategic victory” laban sa CPP-NPA-NDF kasunod ng pagkabuwag ng kanilang mga guerilla front.
Inatasan na ni Año si NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto “Jun” Torres Jr. na agad na makipag-ugnayan sa lahat ng line agencies para sa pagpapatupad ng direktiba ng Pangulo.