Paglilinis ng SPM volunteers ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa Ilagan City Public Market, sinuportahan at hinangaan ng LGU

Paglilinis ng SPM volunteers ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa Ilagan City Public Market, sinuportahan at hinangaan ng LGU

DINAYO ng Sonshine Philippines Movement (SPM) volunteers ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang lungsod ng Ilagan sa Isabela. Mainit na tinanggap ng lungsod ang grupo ni Pastor Apollo na layong itaguyod ang isang malinis at maayos na pampublikong pamilihan ng lungsod.

Ang paglilinis sa mga pampublikong pamilihan saan mang lugar, bayan o lungsod ay mahalaga upang matiyak na ligtas ang mga kinukuhang mga pagkain.

Ang mga pagkain na nanggagaling sa mga pamilihan ay mahalaga na masigurong malinis at maayos upang maiwasan ang panganib ng sakit sa bawat hapagkainan ng pamilyang Pilipino.

Sa ilalim ng programang Sonshine Philippines Movement, hindi lang sa aspeto ng pagtatanim ng mga puno, paglilinis ng paligid, mga estero, ilog at karagatan ang ginagawa ng grupo ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at maging sa buong mundo, kundi ang pangangalaga rin sa kalusugan ng bawat pamilyang Pilipino.

Kung ang mga paliparan ay sumasailalim sa paglago ng bawat bansa, ang mga pampublikong palengke o merkado naman ay sumasalamin ng isang maayos, maganda at malinis na bayan at lungsod. Kaya isa sa mga tinungo ng mga volunteers ng Sonshine Philippines Movement ang Ilagan City Public Market sa Isabela para ipaabot ang inisyatiba ni Pastor Apollo C, Quiboloy sa pangangalaga ng Inang Kalikasan.

Sa 3 ektaryang pamilihan na ito sa lungsod ng Ilagan, Isabela, dumayo ang Team SPM ni Pastor Apollo C. Quiboloy para ipagpatuloy ang adbokasiya pangkalinisan sa buong bansa.

Mainit ang naging pagtanggap ng lokal na pamahalaan ng Ilagan na matagal na ring kinikilala bilang isa sa pinakamalaking siyudad sa bansa at hindi rin ligtas sa hamon ng kalinisan.

Malaking tulong din ang grupo ni Pastor Apollo dahil naibsan kahit papaano ang trabaho ng iilan nilang street sweepers na araw-araw naglilinis sa buong pamilihang bayan.

Dahil sa makabuluhang adbokasiya na ito ni Pastor Apollo, wala ring mintis ang suporta ng maraming ahensiya ng pamahalaan at ng pribadong sektor na maipakita sa mga Pilipino ang importansiya ng kalinisan at bayanihan na dapat anilang tularan ng iba pang lider sa bansa.

Sa kabuuan, humigit kumulang 200 sako ng mga basura ang tulung-tulong na naitapon at nahakot ng SPM volunteers katuwang ang city government at iba pang lokal na ahensiya ng lungsod sa pagtatapos ng programa.

Mula sa maliit na simulain at adhikain ni Pastor Apollo mula pa noong 2005, kumalat na ito sa iba’t ibang komunidad sa bansa hanggang sa umabot sa iba’t ibang lungsod sa buong mundo na layong itaas ang kamalayan ng bawat tao na mahalin ang kalikasan, pagandahin ang kapaligiran, turuan ang mga kabataan para sa pangmatagalang epekto nito sa buhay ng bawat mamamayan.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter