TODO ang paglilinis ng mga magulang at mga guro sa ilang paaralan sa Imus, Cavite.
Dahil maliban sa banta ng COVID-19, isa rin ang dengue sa mga bantang kinakaharap ng mga paaralan sa nalalapit na pagsisimula ng face-to-face classes.
Mababatid na nangunguna ang Imus sa may pinakamataas na kaso ng dengue sa Cavite.
Naabutan ng SMNI News team ang mga magulang na nililimas ang tubig-ulan sa kalsada at sa mga sulok ng Gov. D.M. Camerino Elem. School sa Imus, Cavite.
Puspusan na ang kanilang paglilinis ilang araw bago ang pagbubukas ng klase.
Maliban kasi sa COVID-19, nais nila na maging ligtas ang kanilang mga anak mula sa sakit na dengue.
Base sa datos ng Department of Health – Region IV-A, pumapang-apat ang Imus sa may pinakamaraming kaso ng dengue sa CALABARZON at nangunguna sa Cavite.
Mula sa unang araw ng Enero hanggang Hulyo 30, nakapagtala ang DOH Calabarzon ng 8,279 na kaso ng dengue sa buong rehiyon kung saan 83% na mataas kumpara sa kaparehong panahon nakaraang taon.
Sa nasabing bilang, 14 na ang nasawi.
Kaya ang DOH, puspusan ang pamamahagi ng insecticides at kagamitan gaya ng Ovitrap, bednets at iba pang panlaban sa dengue sa mga paaralan sa lungsod.
May interventions na rin na ginagawa ang lokal na pamahalaan ng Imus laban sa nasabing sakit.
Sa kabila ng kahandaan, aminado ang LGU na isang malaking hamon ang kanilang kinakaharap dahil sa banta ng COVID-19 at ng dengue.
Target naman ng DepEd School Divisions Office ng Imus City na magpatupad ng full face-to-face classes sa Agosto 22.