MAGANDANG development umano ang paglipat kay Mary Jane Veloso sa Pilipinas para sa mga nakabinbin pang kaso laban sa kaniyang mga illegal recruiter.
Habang ang dalawa sa mga kilalang recruiter ni Mary Jane Veloso na sina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo noong 2020 dahil sa illegal recruitment case nila, ay nahaharap pa rin sila sa magkakahiwalay na kaso para sa human trafficking at Estafa.
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez na ang paglipat sa Pilipinas kay Mary Jane mula Indonesia ay makatutulong sa paglutas ng mga nakabinbin pang kaso laban sa kaniyang mga recruiter.
Ani Vasquez, magandang development ito sa kaso.
“Kasi dito sa ating proseso sa pagdinig ng mga kaso ay kailangang magkaroon ng confrontation ng witnesses at saka iyong accused ‘no and the right to cross examine. So, naging problema iyan dahil si Mary Jane Veloso ay nakakulong sa ibang bansa, sa Indonesia nga, so it became so difficult to arrange her transfer here and for her to testify,” saad ni Usec. Raul Vasquez, DOJ.
Sa paglipat din kay Mary Jane sa Pilipinas, mapapadali nito ang presentation ng witnesses kabilang ang kaniyang sarili para makumpleto na ang prosecution ng mga kasong ito na naka-pending ngayon sa korte.
May tugon naman ang DOJ tungkol sa seguridad ni Mary Jane kapag naka-detine na dito sa Pilipinas at ang pangamba ng pamilya sa umano’y banta mula sa sindikato na nambiktima sa kaniya noon.
Sinabi ni Vasquez na ito ay isang aspeto na hahawakan naman ng Bureau of Corrections (BuCor).
Aniya, kung dumating sa puntong iyan, aatasan nila ang BuCor na mapangalagaan si Veloso at bigyan ng seguridad sa lahat ng bagay.
Dagdag ng opisyal, may obligasyon din sila na matunton kung sino ang mga mastermind ng naturang ilegal na gawain sabay binigyang-diin na dapat mangibabaw ang rule of law.
“At hindi ho natin isipin na iyong mga dangers na iyan ay these are just the incidental risk that we have to accept as a government, as a country if only for us to save our aggrieved, I think citizen—si Mary Jane Veloso—para siya ay maisalba sa isang death sentence na naibigay sa kaniya ng Indonesian government,” wika ni Usec. Raul Vasquez, DOJ.