PINANGUNAHAN ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang paglunsad ng TsuperHero kasangga sa Resbakuna vaccination drive kontra COVID-19 ngayong araw, Hulyo 31, 2021
Ang nasabing programa ay para sa mga bayaning tsuper, at transport workers sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Office Transportation Cooperatives (OTC) at Local Government Unit ng Parañaque, nasa 1,000 transport workers ang nabigyan ng schedule para sa first dose kontra COVID-19 ngayon araw.
Target ng TsuperHero kasangga sa Resbakuna program na mapabakunahan ang nasa 5,000 tsuper at transport workers, na magtutuloy-tuloy sa mga susunod na araw at hatiin ito sa 1,000 jabs kada susunod na programa.
Ang natitirang 4,000 slots ay mabibigyan ng schedule para sa mga susunod na vaccination sa lugar, kasabay nito ang pagsunod sa safety and health protocols sa loob ng vaccination area, at paninigurong hindi makakasagabal sa operasyon ng PITX at pasaherong publiko.
Ang programang ito ay layong ilapit ang vaccination centers sa ating mga tsuper at iba pang transport workers upang masigurong sila ay ligtas at protektado laban sa COVID-19.
‘’Ngayong araw ay pangungunahan natin ang pilot implementation ng programang vaccination kontra Covid-19 para sa ating mga bayaning transport workers sa PITX, Parañaque, 3 bus mula sa Mega Manila Consortium Corp. ang ating gagamitin bilang vaccination sites,’’ayon kay Secretary Art Tugade.
‘’Sa iba’t-ibang lugar na kanilang pinupuntahan at mga taong nakakasalamuha sa araw-araw, nararapat lamang po na sila ay makatanggap ng bakuna. Mahalaga ang ating kaligtasan at kalusugan sa panahon ngayon, kaya’t patuloy ang aking paalala sa lahat na sumunod sa health and safety protocols. Magsuot ng face mask at face shield. At higit sa lahat, magpabakuna tayo,’’dagdag nito.