IPINALIWANAG ng tanyag na election law expert na si Atty. Alberto Agra kung bakit sa tingin niya hindi election offense ang pagpapa-selfie ng mga kandidato ngayong panahon ng kampanya.
Reaksyon niya ito sa bagong panuntunan ng COMELEC na nagbabawal sa pakikipag-selfie ng mga kandidato ngayong campaign period dahil sa banta ng COVID-19.
Isa ang pakikipag-selfie sa request ng mga botante sa mga kandidato tuwing may campaign sortie.
At isa ito sa mga utos ng COMELEC na mahirap sundin lalo na sa physical campaign.
Ngunit ayon kay Atty. Agra, na dating justice secretary, hindi paglabag sa election laws ang pakikipag-selfie.
“Una, relevant ang dahilan naman kaya ginawa yan ng COMELEC,” sinabi ni Atty. Agra.
Para din sa dating justice secretary, maaaring mangampanya ang mga barangay official ngayong panahon ng eleksyon.
Ayon sa law expert, matagal pa naman ang barangay elections kaya pwede pa makapangampanya ang mga ito.
Reaksyon ito ni Agra sa babala ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga opisyal ng barangay na mahuhuling may pinapaboran ngayong botohan.
“Ang opinyon ko ay pwede silang mangampanya,” dagdag pa ni Agra
Kaugnay naman sa Oplan Baklas, mungkahi ni Agra na ipagpatuloy ang operasyon na ito ngunit sa public places lamang.