NILINAW ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi mandatory ang pagbabakuna sa mga pampubliko at pribadong onsite worker.
Matatandaang naglabas ang Inter Agency Task Force ng resolusyon ukol pagbabakuna sa mga onsite worker sa mga pampubliko at pribadong kumpanya.
Nakasaad sa IATF Resolution 148-B na dapat bakunado ang lahat ng mga manggagawa sa mga establisimyento na pumapasok sa kanilang mga opisina.
Ayon kay DOLE Assistant Secretary for Regional Operations and Labor Standards and Special Concerns Cluster Maria Teresita Cucueco na kailangan ng mga unvaccinated na onsite worker magpresenta ng kanyang COVID-19 test result.
“Kung ang mga manggagawa ay kailangan mag onsite work at ayaw magpabakuna, pwede naman siya mag onsite work pero kailangan lamang ng bagong requirment na mag regular test o RT-PCR test,” ani Cucueco.
“Ang regular test na yun ay na-clarify sa susunod na IATF Resolution 149 na at least once every 2 weeks,” dagdag nito.
Dagdag ni Cucueco, maaaring ipagpatuloy ng ibang mga empleyado ang pagtatrabaho kahit hindi pa umano ito bakunado sa pamamagitan ng work from home.
Mga hindi pa nababakunahang empleyado, hindi maaring tanggalin sa trabaho
Binigyang diin naman ni Asec. Cucueco na hindi maaaring tanggalin ng mga kumpanya sa trabaho ang kanilang mga manggagawa na hanggang ngayon ay hindi pa nababakuahan.
Aniya base ito sa Labor Code ng DOLE ngunit kinakilangan pa ring ipresenta ng mga unvaccinated workers ang kanilang RT-PCR test result.
Giit ni Asec. Cucueco, hindi batayan ang pagbabakuna sa pagtanggal ng isang manggagawa at kailangan intindihin na ang pagkuha ng RT-PCR test ay isang paraan upang malaman ang sitwasyon ng isang indibidwal.
Sa ngayon ay walang namang natatanggap na reklamo ang ahensya mula sa manggagawang tinanggal sa kanilang trabaho.
Dagdag pa nito, matapos lumabas ang IATF resolution ay marami-marami narin sa mga onsite worker, pati na rin ang mga naka-work from home, ang nakatanggap na ng kanilang bakuna laban sa mas nakakahawa at nakakamatay na virus.
Iginiit pa ng DOLE na hindi na nila kinakailangang maglabas pa ng mga panuntunan hinggil sa pagbabakuna sa mga manggagawa mula sa pampubliko at pribadong kumpanya, dahil malinaw na aniya ang nakasaad sa guidelines ng pandemic task force para sa mga nasa onsite worker.
Matatandaang, isa sa mga mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng ahensya ng gobyerno at sa ibang mga pribadong sektor ay ang mapataas ang covid-19 vaccination rate ng bansa ngayong bulto-bultong suplay ang dumadating.
Hinihikayat naman ng DOLE ang lahat ng mga manggagawa sa mga pampubliko at pribadong kumpanya na makiisa sa gagawing National Vaccination Day upang tuluy-tuloy na umangat ang vaccinaton rate ng bansa.
Sa ngayon, inaayos na ang listahan sa lahat ng lugar upang magkaroon ng gabay ang mga empleyado sa kung saang mga vaccination site ang maaari nilang puntahan.