TINALAKAY ng mga opisyal ng Pilipinas at Ukraine ang pagpapabuti ng relasyon ng dalawang bansa.
Ito ay kasunod ng pagbisita ni Ukrainian Embassy in Malaysia Chargé d’Affaires Denys Mykhailiuk sa Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, kung saan mainit siyang tinanggap ni Defense Acting Undersecretary Angelito De Leon.
Maliban dito, pinag-usapan din nila ang kasalukuyang sitwasyon sa Ukraine, kabilang ang epekto ng kaguluhan sa seguridad ng Asia-Pacific Region at iba pang bahagi ng mundo at ang posibleng pagtatapos nito.
Nakiramay si De Leon para sa mga nasawi sa panahon ng labanan, lalo na ang mga inosenteng sibilyan, at pinuri ang kahanga-hangang katatagan ng mga Ukrainian.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mykhailiuk sa pagboto ng Pilipinas na pabor sa mga resolusyon ng United Nations General Assembly (UNGA) sa Ukraine.