Pagpapaigting sa proteksyon ng mga nurse, inapela ng isang grupo

UMAAPELA ngayon ang Filipino Nurses United (FNU) sa pamahalaan ng mas maigting na proteksyon para sa mga nurse sa bansa sa gitna ng patuloy na pagharap sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa FNU, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nurse na tinatamaan ng virus ay sumasalamin sa kakulangan ng proteksyon at pagpapabaya sa kaligtasan at kapakanan ng mga nurses.

Giit nito dapat iginagarantiya ng pamahalaan ang proteksyon ng mga nurses na palaging exposed sa COVID-19 lalo na ngayong may panibagong variant na ng coronavirus ang nakapasok sa bansa.

Hinaing ng grupo, 11 buwan na pandemya ngunit magpasa-hanggang ngayon ay wala pa ring klarong stratehiya ang pamahalaan hinggil sa pagbibigay proteksyon sa mga frontline health workers.

Bukod dito, hinimok din ng FNU ang gobyerno na bigyan ng libreng medical grade personal protective equipment ang lahat ng nurses kahit ano pa man ang ward assignment nito.

Gayundin ang istriktong pag-implementa ng 4-8 hours duty kada araw o maximum ng 48 hour kada linggo upang mabawasan ang exposure at upang magkaroon ang mga ito ng panahon para sa physical, psychological at emotional rest.

Dagdag pa ng FNU, dapat ding maging prayoridad ang mga nurses sa access at libreng bakuna kontra COVID-19.

SMNI NEWS