ISINUSULONG ni Senator Win Gatchalian ang pagpapalawak sa kapasidad ng mga State Universities and Colleges (SUCs) upang mas maraming mga kwalipikadong mag-aaral ang makinabang sa libreng kolehiyo.
Ayon sa mambabatas, dumami ang bilang ng mga mag-aaral sa basic education na nagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa naturang batas.
Bago naging batas ang libreng kolehiyo, umabot lamang sa 54% ang progression rate mula high school papuntang kolehiyo para sa Academic Year (AY) 2013-2014, samantalang 62% naman ang naitala para sa AY 2014-2015.
Ngunit noong nagkaroon ng libreng kolehiyo, pumalo sa 81% ang progression rate ng high school tungo sa kolehiyo mula 2018 hanggang 2022.
Batay sa naging konsultasyon ni Gatchalian sa mga pangulo ng mga SUCs, may mga mag-aaral na hindi natutuloy mag-enroll kahit nakapasa na sila sa admission exam.
Dahil ito sa naging kakulangan ng mga silid-aralan, mga pasilidad, laboratoryo, at mga guro na kinakailangan ng mag-aaral.