NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na magpapalawig ng paggamit ng 2020 National Budget at Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11520, extended ang effectivity ng 2020 National Budget kung saan magagamit pa rin ito hanggang Disyembre 31, 2021.
Sa Republic Act No. 11519 naman, magiging epetikbo pa ang Bayanihan 2 hanggang June 30, 2021.
Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea, importante ang mga batas na ito upang maipagpapatuloy pa ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic at sa pagbubuhay muli ng ekonomiya.
Base sa inilabas na dokumento ni ES Medialdea, naipadala na kina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Lord Velasco ang kopya ng pinirmahang batas ni Pangulong Duterte.
Kung maalala, sinertipikahan ni Pangulong Duterte ang dalawang batas bilang urgent measures dahil mahalaga aniya ito para sa COVID-19 response ng gobyerno.
Maliban dito, nilagdaan na rin ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11509 o Doktor Para sa Bayan Act, na magbibigay ng medical scholarship sa mga nagnanais maging doktor.
Pirmado na rin ng Presidente ang RA 11510 o Alternative Learning Act, na may layong magtayo ng learning center sa kada lungsod at munisipalidad para sa mga mag-aaral na may kapansanan at mula sa marginalized sector, at para na rin sa mga may edad na nais pa ring magtapos ng formal basic education.
Kasama na rin sa nilagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 11511 o ang amyenda sa Organic Agriculture Act of 2010, at ang RA 11517, ang batas na nago-otorisa sa Pangulo ng bansa na pabilisin ang mga proseso at paglalabas ng national at local permits, mga lisensya at mga sertipikasyon tuwing may national emergency.