MAGPAPATULOY ang gagawing pagpapalaya ng mga preso bilang bahagi ng reporma na ginagawa ng Department of Justice (DOJ) para sa decongestion ng mga bilangguan sa bansa.
Sa pagpupulong ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla araw ng Martes, October 4, kasama si United Nations Acting High Commissioner for Human Rights Nada Al-Nashif ay ibinida nito ang nangyayaring reporma sa DOJ at pagpapaigting ng human rights sa bansa.
Bahagi aniya sa mga reporma na ginagawa ng DOJ ay ang decongestion sa mga kulungan at pagpapalaya sa mga preso.
Kamakailan kasabay ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ay nasa 372 na mga kwalipikadong persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya ng DOJ.
Ayon kay Remulla, magpapatuloy ang kanilang pagpapalaya sa mga bilanggo.
Una nang sinabi ng kalihim na maaring mayroon silang ulit na palalayain ngayong buwan ng Oktubre, Nobyembre at sa araw ng Pasko.
Isa rin sa binanggit ni Remulla sa pagpupulong ay pagpapaigting ng Witness Protection Program sa bansa.
Nangako rin ang DOJ Secretary na magpapatuloy ang engagement ng bansa sa UN at International Community pagdating sa pagsusulong ng human rights.
Napag alaman naman na sa naturang pagpupulong ay kasama ng kalihim si Ambassador Evan P. Garcia, Permanent Representative to the UN in Geneva, Undersecretaries Jesse Hermogenes T. Andres at Raul T. Vasquez ng DOJ.
Kasama rin si Assistant Secretary Kira Danganan-Azucena ng Department of Foreign Affairs (DFA), si Ambassador and Deputy Permanent Delegate Maria Teresa T. Almoquela, at iba pang opisyal ng DFA at Department of Finance (DOF).