HINIHIKAYAT ngayon ang gobyerno na tiyaking wala nang natitirang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sa isang pahayag sinabi ni Senador Win Gatchalian na dapat ay tuloy-tuloy ang operasyon ng mga otoridad laban sa mga POGO na nag-ibanga anyo na.
Matatandaan na December 31 ng nakaraang taon ang deadline para ihinto ng mga POGO ang kanilang operasyon. Pero nagbabala si Gatchalian na nagpapanggap na sila ngayon bilang iba’t ibang uri ng negosyo tulad ng Business Process Outsourcing (BPO), resorts, at restaurants, para mapagtakpan ang kanilang mga iligal na aktibidad.
Nagbabala pa ang senador laban sa posibleng pagpapabaya at binigyang-diin na ang pagbabagong anyo ng mga POGO ay nagdudulot ng mga panganib sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.
Batay rin kasi sa impormasyon ng Bureau of Immigration (BI) ay higit sa 11,000 na dating mga manggagawa ng POGO ang pinaghahanap ngayon ng mga otoridad para i-deport.