ISINUSULONG ngayon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang pagpapaliban sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nakatakdang isabay sa 2025 mid-term elections ang kauna-unahan sanang parliamentary polls sa rehiyon.
Sa ipinasang resolusyon ng BTA Parliament, naipunto na hindi pa handa ang BARMM sa parliamentary polls dahil sa iba’t ibang administrative at political issues bunsod ng pagkakatanggal ng Sulu Province sa rehiyon.
Saad ni BARMM Floor Leader Sha Elijah Dumama-Alba, bagamat ligal ang pasya ng Supreme Court na ihiwalay ang Sulu sa BARMM ay nagdulot naman ito ng ‘legal and political ambiguities.’
Punto rin ni Dumama-Alba na makabubuti kung palalawigin ang transition government sa BARMM dahil mas marami pang political parties ang makasasali.
Bukod diyan, mas mapapanatili rin ang economic growth sa rehiyon na nakapagtala ng P4B na halaga ng investment ngayong taon.
Nanawagan naman ng suporta sa Senado at Kamara ang BTA para iurong ang BARMM parliamentary elections sa taong 2028.
Sa ngayon, ang Moro Islamic Liberation Front-Led Interim Government o ang BTA ang namumuno sa BARMM.