NAGING maayos ang pagpapalit ng liderato ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang iginiit ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. matapos nilang pangunahan ni AFP chief of staff General Andres Centino ang DND-AFP Joint Command Conference sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong araw.
Ayon kay Galvez, walang katotohanan ang ulat na may mga nagbitiw na opisyal ng DND kasabay ng courtesy resignation ni Defense OIC Senior Undersecretary Jose Faustino Jr.
Itinanggi rin niya ang umano’y destabilization plot sa AFP bagama’t may mga kailangan silang resolbahin sa promosyon ng mga opisyal ng militar.
Pinasalamatan din ni Galvez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtitiwala sa kanyang pamunuan ang DND.
Si Galvez ay dating Chief of Staff ng AFP sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sandiwa” Class of 1985.