Pagpaparehistro para sa 2023 BSKE, mas pinabilis sa ilalim ng RAP ng COMELEC

Pagpaparehistro para sa 2023 BSKE, mas pinabilis sa ilalim ng RAP ng COMELEC

INILUNSAD ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang “Register Anywhere Project” (RAP) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) central office sa Quezon City.

Layunin ng proyekto na matulungan ang mga kawani ng gobyerno na hirap sa pagpunta sa mga satellite booth ng COMELEC upang makapagparehistro para makaboto sa 2023 Barangay at SK Elections (BSKE).

Maliban sa mga empleyado, binuksan din ang registration sa publiko na ayaw nang bumiyahe papunta sa kanilang mga probinsya.

Si Carlisel na isang empleyado ng DSWD, napaka-hassle na aniyang umuwi lalo’t malayo ang kanyang probinsya.

Sinabi naman ni DSWD OIC Eduardo Punay na target nila na mairehistro sa one-day registration ang 100% ng kanilang higit sa 2,000 empleyado sa central office.

Ang dating overseas Filipino worker na ngayong nagtatrabaho na sa DSWD ay hindi na rin nag-atubiling magparehistro.

Sinabi naman ni COMELEC Chairman Garcia na inaasahan na madagdagan ang bilang ng registered voters bago ang deadline ng pagpaparehistro sa January 31.

Sa kasalukuyang datos, may higit isang milyon nang nakapagparehistro para sa BSKE kung saan nasa higit 600,000 ang newly registrants.

Aabot na rin sa 8,000 ang nakapagparehistro sa tulong ng RAP.

Mall voting, posibleng mangyari sa susunod na halalan upang hindi maistorbo ang mga estudyante sa mga paaralan – COMELEC 

Samantala, pag-aaralan na rin ng COMELEC ang paglulunsad ng mall voting sa susunod na halalan.

Paliwanag niya, nakakahiya aniya sa mga paaralang nasisira ang mga kagamitan at naabala pa ang mga mag-aaral.

Nais din ng COMELEC na mabigyan ng kumportableng serbisyo ang mamamayan.

Maliban sa DSWD, nakipag-partner din ang COMELEC sa GSIS habang ilulunsad din sa Senado at House of Representatives sa Enero 25 hanggang 27 ang RAP.

Follow SMNI NEWS in Twitter