SUPORTADO mismo ng kilalang abogado na si Attorney Larry Gadon ang naging hakbang ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon sa pagpapasara sa lahat ng mga website na pinaniniwalaang konektado sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), kilalang komunista at terorista na grupo sa bansa.
Ayon pa kay Gadon, halata ang mga ito na pumapanig sa makakaliwang paniniwala partikular na ang siraan ang kasalukuyang administrasyon.
Matatandaan na hiniling ni Esperon sa NTC na ipagbawal ang pag-access sa website na direktang may koneksyon sa CPP-NPA-NDF na agad naman ginawa ng ahensiya.
At ilan sa mga ito ay kinabibilangan ng official publication ng National Democratic Front of the Philippines site, at ang website ni CPP founder Jose Maria Sison.
Kabilang din sa ipinapa-block ni Esperon ang ilang independent media websites gaya ng Bulatlat at progesibong grupo tulad ng Save our Schools Network, UMA Pilipinas, Rural Missionaries of the Philippines at Pamalakaya Pilipinas.
Itinuturing ni Esperon ang mga media organization at groups na kaakibat at sumusuporta sa mga terorista at terrorist groups bagama’t wala siyang matibay na katibayan para patotohanan ang kanyang mga paratang.
Ayon kay Gadon, may karapatan ang gobyerno ng Pilipinas na gawin nito ang ligal na hakbang kung sa tingin nito ay nalalagay sa alanganin ang seguridad ng estado sa pamamagitan ng mga makakaliwang ideolohiya at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa pamahalaan.
Kaugnay nito, naniniwala rin ang tanggapan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na hindi nagkamali sa desisyon ang pamahalaan dahil sa lantarang pagpapakalat ng propaganda, recruitment, at pangangalap ng pondo mula sa ibang bansa para siraan ang pamahalaan.
“They have established pervasive online presence through their website that they continually use to publish propaganda and misinformation campaigns in order to malign the Philippine government, recruit new members, and solicit funds from local and international sources,” pahayag ni Cordoba.
Bukod naman kina Joma Sison, agad ring ipinasara sa internet provider ng NCT ang iba pang websites na sinasabing ginagamit ng mga kalaban ng pamahalaan para guluhin ang bansa dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Listahan ng mga website na may kaugnayan sa CPP-NPA-NDF:
NDFP
The Official Publication of the NDF
Jose Maria Sison
Philippine Revolution Web Central
Bulatlat
Hiyaw
PRWC Newsroom
Revolutionary Council of Trade Unions
Compatriots – Revolutionary Organization of Overseas Filipino and their Families
Save our Schools Network
UMA Pilipinas
Rural Missionaries of the Philippines
Pamalakaya Pilipinas
AMIHAN National Federation of Peasant Women
BAYAN
Arkibong Bayan
International League of People Struggle
Pinoy Weekly
Counter Punch
International Action Center
Monthly Review
People’s March
Taga-Ilog News
Partisan-News
People Resist News
Nanindigan naman si Gadon na sa ilalim ng Duterte Administration at kahit sa papasok na pamahalaan ay walang nalabag na karapatan sa pagpapahayag ang administrasyon sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos ng maraming media entity laban kay Pangulong Duterte at maging sa mga Marcos.
Buti nalang din aniya, nariyan ang SMNI bilang isa sa mga pinagkakatiwalaang broadcast media sa bansa ngayon na may malaking kontribusyon sa pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon sa nakararami.
Kung matatandaan, makailang beses na ring nanindigan si Rev. Dr. Pastor Apollo C. Quiboloy, ang honorary chairman ng SMNI na ilalaan nito ang kanyang television network bilang katuwang ng pamahalaan lalo na sa paghahataid ng patas, totoo, at hindi nababayarang pagbabalita.
Sa huli, ipinagtanggol rin ni Gadon ang mga lehitimong media sa bansa na wala aniyang nangyayaring panghaharang o panggigipit sa karapatan ng media entities na makapaghayag ng kanilang saloobin gayong malaya ang mga ito na manira sa pamahalaan ayon sa kanilang kagustuhan.