IPINANAWAGAN ngayon ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee sa pamahalaan na taasan ang cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Sa hearing kamakailan ng House Committee on Poverty Alleviation, sinabi ng kongresista na kung kayang taasan ang cash grant ay huwag na itong patagalin pa.
Sa nasabing pagdinig, iminungkahi ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mga sumusunod na increase:
- Mula P750 papuntang P906 na pagtaas sa buwanang health grant ng mag-anak;
- Mula P300 papuntang P362 na pagtaas sa buwanang education allowance sa bawat batang naka-enroll sa day care at elementarya;
- Mula P500 papuntang P604 na pagtaas sa buwanang education allowance para sa bawat batang naka-enroll sa junior high school;
- at Mula P700 hanggang P846 na pagtaas buwanang education allowance para sa bawat batang naka-enroll sa Senior High School;
Lahat ng nabanggit na increase ay gagana maximum ng 10 buwan kada taon.
“Malinaw na kulang na kulang ang natatanggap ng 4Ps beneficiaries,” saad ni Lee.
Si Lee ang pangunahing may-akda ng “Expanded 4Ps Act” na naglalayong magbigay capacity building trainings at skills upgradings sa taga-4Ps.